Simula ng Pagtatapos

-A A +A

By Paulino Cuison

Speak Out

Monday, March 19, 2012


WIKANG Ingles ang madalas gamitin ng marami sa Pilipinas. Ito ang karaniwang kinakasangkapan upang bigyan ng tugon ang mga kahilingan sa iba’t ibang ulirang trabaho, ito ang lengguwahe ng kasigasigan upang kumasundo sa sanlaksang kumpanya na may magkakaibang anyo ng gawain.

Tuliro ang aking kukote sa kung anong trabaho ang aking mapapasukan kung hindi ko lubusang magagap ang wikang Ingles sa pakikipagtalastasan—bilang ito ang pangunahing atas na kakailanganin sa pakikipagsagupaan sa maraming magsisipagtapos ngayong Abril at akyat-panaog sa baitang ng naglalakihang mga gusali. Hindi na kailangang pagtakhan pa ang ganitong kahilingan dahil ang kalinangan sa wikang nabanggit ang siyang nagwawatas sa kabuuan ng isang tao. Nangangamba akong walang nakaabang na hanapbuhay para sa aking ang alam lamang ay sumulat ng akda sa wikang Filipino. Ito ang walang hanggang laman ng aking mga pangitain sa tuwing ipipinid ko ang mga mata at hihintayin ang pagdambana ng pag-uumaga. Panagutin ko man ang sarili’y nasa hangganan ng kadalamhatian sapagkat gabundok man ang pagtatangka’y hindi napunan at nasapatan ng anim na taong pakikitalad sa kolehiyo ang layuning magpakadalubhasa sa Ingles. Mapang-ahas na libangan ko ang pagsusulat ng tula sa Filipino. Kapangkaraniwanang maituturing marahil dangan ng ito ang wikang simula’t sapul ay batis ng karunungan sa isang probinsiyano subalit hindi ko kayang pagsinungalingan ang sarili kung sasabihin kong walang pagliyag sa wikang Filipino sapagkat ito ang unang wikang aking inibig at puspusang kinaniig. Isang katiyakan ang maging mabalasik sa akin ang trabaho sapagkat wala akong alam gawin kundi ang magsulat at magsulat lamang. Subalit sa karera ng Pilipinas ngayon tila balingkinitan ang pagkakataong makapasok sa hanapbuhay na hindi nangangailangan ng Ingles. Sa panahon sa kasalukuyang sandamakmak ang dalubhasang manunulat tila hindi ko kakayaning matalunton ang pinapangarap at animo’y mabagsik na tanikala ang aking pagtatapos sa kolehiyo. Umaasa pa rin akong may tugon ang lahat ng aking mga katanungan, ang mga salamisim na gumugulo sa aking isipan, ang walang katapusang pakikidigma sa salita at talinghaga na siyang palagiang nagbibigay hininga sa aking buhay, pakikihamok, pakikipagsapalaran, pag-ibig, at sining. Ang ikatlong linggo ng Abril ang hudyat ng aking pagharap sa daigdig, at isang bagay lamang ang nakasisiguro akong kakatagpuin sa liwasan ng naglalakihang mga gusali. Hindi ito ang pighati sa paggamit ng wikang Ingles kundi ang paghawan sa isipan at pagsisiyasat upang mapaigting ang lunggati sa wikang Filipino. Isinilang akong kayumanggi ang dila at sa pagharap at paglabas sa tahanang Unibersidad, magiging saksi ang mga talampakan sa pagbagtas ko sa masukal at masalimuot na Pilipinas. Walang kapaguran ang paglalayag, walang kapaguran ang pag-ibig, dahil sa pagliyag kong tangan ang wikang nagbihis sa akin nalilikha ang buod ng aking pag-iral.

Said ang aking kalinangan sa taltalang banyaga ngunit naging lunduyan ko ang sariling wika sa pagganyak at pagpapatibay ng dilang hindi kayang angkinin ng iba.

Advertisement

Sa mga bumabasa, sa tumatanaw:

Ngitngit ng Enero
kapalit kay V
Mariing tinutulan ng pagkakataon ang
nagniningas na halakhak ng dibdib
habang simula pa lamang
ay dinaragit na tayo ng hangganan,
habang sa pasinaya'y
nilulutas tayo ng pahimakas.

habang sa pagpapauna'y
binabaluktot tayo ng tangwa ng katuwiran.

habang nagtatagpo
subalit sumisinsay.

Ika-labing anim na araw ng taon,
sinusugan mo ang liwana ng aking katauhan.

Mapanukso ang una mong talinghaga,
Maging ang libog ng hilagyo'y tinungo ng
iyong mga salita, ng iyong gunita.

Isa kang mahusay na mangungumit.

Samantala'y dakpin ang aking pakinabang,
panakaw kang tumalilis sa kaligayahan.

Anong panukala ang sa iyo'y umangkin?
Dahilan mo'y lumansag sa napagtalikupang katipan?
Marahil kaukulan mo'y rumahuyo't
hayaang gugunamgunam.

Pitong gabi ng kaluwalhatian,
at walang hanggang kamatayan.

Hangga't nagnanawnaw sa putik ang tubigan,
araw-araw akong mamamatay sa kamatayan.

Hangga't walang pakpak na magpapalipad sa katauha'y
mauulit ang huling buhay sa pagtatapos ng liwanag.

Hangga't walang mata ang buwan at walang labi ang araw,
aangkinin ng dilim ang kaluluwang inagawan mo ng pagtingin,
dinuwit mo ng salamisim.

Pitong araw ng kasinungalingan,
at walang hanggang lahid ng panunungayaw.

Hangga't ang mga paa'y hindi nalulumpo sa
nilalakarang abenida, babagtasin mo ang
walang hanggang hindi naaabot ng paningin.

Hangga't ang hininga'y naririnig ng hangin sa kawalan,
mananatiling umid sa katahimikan ang hinahabing panaginip.

Hangga't nakalatag sa kalangitan ang bituing
tinitingala ng mata'y maaapuhap ng iyong budhi
ang kasakimang duldulang ibinaon sa habag.

Magtatagpo tayong hindi langit at lupa ang namamagitan
kundi nakatutulig na hikbi ng dagat,
nakapanghihilakbot na paghalhal ng hangi't
pangangatal ng pangamba't kamatayan.

Pitong bukang liwayway,
pitong takip-silim,
pitong kasinungalingang kahit
kamataya'y hindi kayang patawarin.

Pitong daigdig ng kaluwalhatian, at
walang hanggang kamatayan.

Published in the Sun.Star Baguio newspaper on March 20, 2012.

Opinion

DISCLAIMER: Sun.Star website welcomes friendly debate, but comments posted on this site do not necessary reflect the views of the Sun.Star management and its affiliates. Sun.Star reserves the right to delete, reproduce or modify comments posted here without notice. Posts that are inappropriate will automatically be deleted.

Forum rules: Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent and respectful. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!

Today's front page

Sun.Star Baguio front page for October 22, 2014

Other front pages

Sun.Star Jobs
  • Filipino Abroad
  • Sun.Star Zup!
  • Technology
  • Festivals
  • Calamity Report
  • Sunstar Multimedia
  • goodearth
  • Pnoy
  • tell it to sunstar
  • Sinulog
  • Habemus Papam
  • Pacman blog
  • Obituary
  • Philippine Polls
  • SunStar Celebrity
  • ePaper