Gabby patok pa rin (7:45 p.m.)
MULING pinakilig ng actor-singer na si Gabby Concepcion ang publiko sa kanyang mall tour sa activity center ng SM Fairview, Linggo ng hapon.
Masiglang naki-sayaw si Gabby sa kanyang mga fans habang inaawit ang ilan sa mga kanta na kasama sa kanyang bago at kauna-unahang self-titled album.
Kilig na kilig ang mga nanood sa maikling show ni Gabby lalo na ang mga kababaihan na umakyat sa stage at nakatikim ng tig-iisang halik sa gwapo at mabait na singer.
Sa gitna ng mg kinakaharap na problema ni Gabby ay hindi ito bakas sa mukha ng aktor na game na game sa pag-indak kasama ang ilan sa kanyang mga manonood.
Bumenta din ang CD at ini-endorsong clothing line ni Gabby na maraming bumili para lang makapasok sa mismong activity center at makalapit sa kanya.
Nagkaroon din ng maikling question-and-answer portion sa kalagitnaan ng show kung saan inamin ni Gabby sa publiko ang pagkakamabutihan na nila ng dating asawa na si Sharon Cuneta.
Nabanggit kasi ng actor na kagagaling lang niya sa show ni Pokwang kung saan naka-todo costume pa daw ang komedyana. Hiling daw ni Pokwang sa kanya na sa susunod mag-costume din siya ng may letter “S” sa damit.
Nag-hiyawan ang crowd at nag-wikang ang ibig sabihin daw ng S ay Sharon sabay bawi ni Gabby na ”S” daw ang ibig sabihin talaga nito. “Kayo talaga huwag nyo ng bigyang kulay ang pagkakaibigan namin!,” nakangiting sambit ng aktor.
Naitanong din kay Gabby kung kelan sila muling magtatambal ni Sharon sa isang proyekto. Aniya hindi pa niya alam ngunit sabi ng isang fan niya ay tiyak na paka-aabangan ito ng publiko sabay hiyawan naman ng mga manonood.
Hindi naman direktang sinagot ni Gabby kung dito na siya mananatili sa Pilipinas ng pangmatagalan. Aniya kung ano ang gusto ng mga tao ay kanyang didinggin at hangga’t may mga walang sawang sumusubaybay sa kanya ay hindi siya titigil na magbigay aliw sa mga ito. (JRDB/Sunnex)

Leave a Reply