Aquino: Iwasan ang lupit ng tag-init
Tuesday, March 16, 2010
More Sections
WALANG duda na narito na ang tag-araw. Ngunit hindi tulad dati na kinasasabikan ng lahat ang pagdating nito, ang tag-araw ngayon ang isa sa pinakamainit sa kasaysayan ng Pilipinas. Pinatindi pa ito ng pananalasa ng El Niño sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas na sumisira hindi lang sa ating balat kundi pati na sa milyun-milyong halaga ng ari-arian, sakahan at kagubatan.
Kaya hindi kataka-taka kung wala na halos gustong maglakad sa initan hangga’t naglalagablab sa langit ang haring araw. Iniiwasan na natin ang pagpapa-araw kahit na may swimming pools at beaches pa na naghihintay sa atin, o ice cream, palamig at halo-halo na nag-aanyaya sa bawat kanto. Lalo pa at napabalitang ang pampatamis na inihahalo sa mga paborito nating summer coolers ay artipisyal lamang at maaaring nakasasama pa sa ating kalusugan.
Click here for Election 2010 updates
Ayon sa Pagasa, hindi malayong pumalo sa 37 degrees Celsius ang temperatura sa buong bansa kahit pa umulan nuong nakaraang Biyernes bunga ng cold front na pansamantala lamang. Kaya inaasahan na tuloy ang pakikipaglaban natin sa matinding init.
Gayunpaman, ang summer ay panahon para mag-enjoy kasama ang ating mga pamilya. Hindi dapat na magmukmok na lamang sa bahay dahil sa sari-saring masamang epekto sa kalusugan na dulot ng init ng tag-araw gaya ng heat stroke at iba pa. Ang kailangan lamang ay matalinong pagpaplano at masusing pag-iingat. Ngayong tag-araw, dapat nating tandaan ang mga sumusunod:
· Huwag na magbibilad mula 10 ng umaga hanggang 3 ng hapon. Sinasabing ang init sa mga oras na ito ay pinakamatindi at katumbas na ng apoy sa init.
· Gumamit ng sun block na hanggat maaari ay waterproof o sweat proof at hindi bababa sa SPF30. Pero hindi dapat isipin na kung may sunscreen ay pwede nang magbabad sa beach maghapon. Magbanyos uli gaya ng sinasaad sa label ng inyong sun block.
· Magdamit ng mahahaba. Gumamit ng payong at sumbrero lalo na iyung malapad at iyung may pantakip sa tenga at batok. Makakatulong ang mga ito para hindi direktang mabilad sa araw ang mga parteng ito ng inyong katawan.
· Gumamit din ng sunglasses na may sapat na UV ray protection. Tandaan na kailangan ding maprotektahan ang ating mga mata sa malupit na init at liwanag ng araw.
· Kung maulap o makulimlim ang langit ay hindi nangangahulugang wala nang panganib sa balat. Gawin pa rin ang mga ito kahit na makulimlim dahil naroroon pa rin ang ultraviolet rays ng araw.
· Uminom ng maraming tubig at gawin ito ng panayan. Sa matinding init ay kakailanganin ng ating mga katawan ang tubig para mapanatiling hydrated at regulated ang temperatura ng katawan. Iwasan na muna ang kape, tsa-a at alcohol
· Bukod sa tubig ay kumain din matubig na mga prutas at gulay gaya ng melon, pakwan, singkamas at iba pa.
· Hangga’t maaari ay gawin ang mabibigat na gawain sa bandang umaga o hapon kung saan ay hindi gaanong mainit ang sikat ng araw.
Ang summer ay sadyang para sa pagsasama-sama ng pamilya lalo na’t walang pasok ang mga bata at maaliwalas ang buong paligid para sa pamamasyal at pagsasaya. Huwag katakutan ang init ng tag-araw. Ang kailangan lamang ay pag-iingat at conscious effort ‘ika nga para ang pagsasaya ngayong tag-araw ay huwag mauwi sa pagkakasakit o pinsala.
Ngayong Biyernes sa PhilHealth Hataw sa Serbisyo:
· Usapang kababaihan pa rin – ang endometriosis na maaaring makaapekto sa ating mga kabababihan
· Ang Hataw ay mapapakinggan tuwing Biyernes, 10 hanggang 10:30 ng umaga sa DWIZ AM Radio 882 KHz. Kasama ko sa nasabing programa sina DWIZ News Director Ely Aligora atMarou Pahati-Sarne.
-----------------
Dr. Aquino’s column appears every Wednesday. Send questions and comments to rbaquino_ssp@philhealth.gov.ph







