Aquino: PhilHealth outpatient benefit para sa HIV/AIDS
Tuesday, September 7, 2010
More Sections
PAGKARAAN ng masusing konsultasyon sa iba’t-ibang stakeholders ay ipinalabas na ng PhilHealth ang Circular 19 series of 2010 para sa pagbabayad ng gamutan sa HIV/AIDS bilang outpatient simula Oktubre 1, 2010.
Ito ay alinsunod sa PhilHealth Board Resolution No. 1331, series of 2009 na nagtatakda sa PhilHealth na magpatupad ng Outpatient HIV/AIDS Treatment o OHAT Package bilang suporta natin sa United Nations Millennium Development Goal Number 6 na naglalayong sugpuin o pigilan ang pagdami ng mga insidente HIV/AIDS sa taong 2015.
Post your reaction to the Manila hostage crisis
Sa mga nakaraang buwan kasi ay pinutakti na naman tayo ng mga balita ng paglaganap ng HIV/AIDS na halos mula sa hanay ng kalalakihan at nasa pagitan ng edad 20 hanggang 29 na tinatawag na productive stage group.
Batay sa mga ulat galing sa DOH, mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito ay may naitalang 940 kaso ng HIV infections kung saan 12 dito ay nasa kalagayang AIDS. Ngayong Hulyo lamang ay may 131 bagong infections ang naitala o mas mataas ng 87 porsiyento kumpara sa 70 kaso nuong Hulyo taong 2009.
Ayon sa HIV/AIDS and Hepatitis C information website, karaniwang nakukuha ang Human Immunodeficiency Virus o HIV sa pakikipagtalik sa isang taong infected nito. Kapag nakapasok na ang HIV sa daluyan ng ating dugo, dito na magsisimulang sirain ang ating immune system.
Kapag hindi nagamot, ang HIV ang siyang sisira sa sistema ng naturalesa ng ating katawan kaya kahit na ordinaryong impeksiyon ay maaaring hindi na kayang masugpo at maaaring magsapanganib sa isang tao na magkasakit at mamatay. Kapag nangyari ito, ito na ang kondisyong tinatawag na AIDS o acquired immune deficiency syndrome.
Sana nga ay matuto na ang publiko para masugpo ang paglaganap ng AIDS. Bukod sa hindi protektadong pakikipagtalik, ang HIV ay naisasalin sa pakikigamit ng mga kontaminadong karayom o hiringgilya sa pagtutrok ng ipinagbabawal na gamot, hindi sterilisadong pagtuturok o pagtatato, mula nanay hanggang sa anak na ipinagbubuntis, at sa pagsasalin ng dugong may HIV.
Nawa nga ay magising na ang publiko para matigil na ang pagkahawa ng marami. Sa bahagi naman ng PhilHealth, nakalaan kaming magkaloob ng tulong pinansiyal sa ilalim ng ng OHAT Package na nagkakahalaga ng P30,000 kada taon para s amga kwalipikadong miembro na kinapitan nito.
Kabilang sa mga benepisyong sakop sa OHAT Package ay mga gamot, laboratory exams (kabilang ang Cluster Difference 4 o CD4 level determination test at test para sa monitoring ng anti-retroviral drugs o ARV toxicity) at professional fees ng health care providers.
Ang package ay hahatiin sa apat na quarterly payments at bawat sub-package ay nagkakahalaga ng 7,500 pesos na babayaran sa kinilalang treatment hub ng accredited facilities. Ang isang treatment hub ay maaari lamang maka-claim ng hanggang apat na treatment sub-packages sa loob ng isang taon.
Batay pa sa nasabing circular, babayaran sa pamamagitan ng case payment scheme ang mga kumpirmadong kaso ng HIV/AIDS na nangangailangan ng gamutan. Ang kumpirmasyon ay dapat na manggaling sa STD/AIDS Central Cooperative Laboratory o SACCL o kaya ay sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Ang nasabing package ay batay din sa Department of Health guidelines on anti-retroviral therapy for adults and adolescents with immuno-deficiency virus infection. Pinapaalalahanan ang lahat ng treatment hubs sa mga accredited facilities na kailangang sumunod sa guidelines ng DOH.
Ang ilan sa mga items naman na hindi sakop ng benepisyo ay ang diagnosis ng HIV/AIDS na hindi kinumpirma ng laboratoryo; kaso ng HIV/AIDS na walang indikasyon para sa anti-retroviral therapy; management ng pasyenteng may pulmonary tuberculosis co-infection (ngunit maaari itong i-file ng hiwalay para sa TB-DOTS Package sa isang accredited TB-DOTS facilities, o maaaring kamtin ng miyembro ang OHAT at TB-DOTS packages nang magkasabay); at mga sakit na sekondarya sa HIV/AIDS (opportunistic infections) na nangangailangan ng hospitalization.
Ang mga claims para sa OHAT Package ay kailangang maisumite sa PhilHealth sa loob ng 60 araw mula sa unang araw ng treatment. Ang mga kaso naman ng HIV/AIDS na nangangailangan ng confinement ay covered sa ilalim ng regular inpatient benefit ng PhilHealth.
Updates. Ang Malayan Bank at 1st Valley Bank at ang mga sangay nila ay hindi na tumatanggap ng PhilHealth contributions simula pa nuong Hulyo 1 (Malayan Bank) at Setyembre 1 (1st Valley Bank) taong kasalukuyan. Ipinapayo ko sa mga miyembro (lalo na sa mga depositor at kliyente ng nasabing mga bangko) na magbayad na lamang sa iba pang accredited collecting agents (ACAs) o sa aming regional o service offices na malapit sa inyo
Para sa kumpletong talaan ng ACAs ay mag-log on sa www.philhealth.gov.ph o tumawag sa aming Treasury Department sa (02) 6340239 or 637-5643.
Ngayong Biyernes sa Hataw. Nag-aalala ka na ba sa mabilis na pagbigat ng timbang at paglapad ng katawan? Hindi naman lingid sa atin na sa paglagpas natin sa akmang timbang ay ang iba’t-ibang sakit na nakaabang. Usapang obesity naman tayo… sa PhilHealth Hataw sa Serbisyo ngayong Biyernes, Setyembre 10, 2010 mula 10:00 hanggang 10:30 AM sa DWIZ 882 Khz AM kasama sina DWIZ News Director Ely Aligora at Marou Pahati Sarne.







