Karnaping na naman sa Robinsons Starmills?
-A A +ABy Ric Sapnu
Wednesday, June 20, 2012
MUKHANG nagiging paborito ng mga karnaper ang Robinsons Starmills sa Barangay San Jose, City of San Fernando.
Dahil ba sa maraming “lapses” ang management ng Robinsons Starmills sa “security measures” na ipinatutupad nito?
Noong Hunyo 14, tinarget na naman ng mga karnaper ang parking lot ng Robinsons Starmills at isa na namang behikulo ang kanilang natangay.
Sang-ayon sa police report, dakong 12:30 ng tanghali nang iparada ni Maria Cecilia Valencia, 39, ng Barangay Sta. Teresita, City of San Fernando ang kanyang Toyota Fortuner (PMQ-914) sa harapan ng Robinsons Starmills parking lot.
Kasama ni Maria Cecilia ang kanyang asawa na si Jerryvin Valencia na pumarada sa parking lot. Sya naman ay nakasakay sa isang Honda City. Itinabi pa nga ni Jerryvin ang kanyang kotse sa Fortuner dahil anila ay natatanaw ng security guard doon.
Sabay pumasok ang mag-asawa sa nasabing mall dahil mayroon silang bibilhin na kagamitan.
Nguni’t dakong 3 p.m. nang maisipan ni Jerryvin na lumabas ng mall upang tingnan ang kanilang behikulo.
Nang hindi na nakita ang Toyota Fortuner ng kanyang asawa, nagmadali itong nag-report sa security personnel ng Robinsons Starmills.
Nag-report din ito sa Community Police Action Center sa may Barangay Dolores, City of San Fernando ukol sa pagkawala ng nasabing Fortuner.
Ang kawawang biktima ay wala nang magawa dahil parang bulang nawala na lamang ang kanyang SUV.
Base sa pahayag ni Maria Cecilia Valencia sa Pulisya, malimit naman nitong iparada ang kanyang Toyota Fortuner sa harap ng mall kaya laking gulat nito ng makarnap ito.
Noong nakaraang buwan, isang Mitsubishi L-330 FB (NQZ-239) ang kinarnap din sa parking lot ng Robinsons Starmills.
Sang-ayon kay Emil Lulu ng Barangay Catalina, San Luis, dakong 1:30 ng hapon nang kanyang ipinarada ang behikulo sa harapan ng Candaba Gate ng Robinsons Starmills upang ipagawa ang kanyang cellular phone sa loob ng mall.
Pagkatapos magawa ang cellular phone nito at balikan ang kanyang sasakyan ay laking gulat nito na wala na ito sa parking lot.
Ini-report nito kaagad sa Robinsons guard at pagkatapos sa City of San Fernando Police, subalit hindi na rin narekober ang kanyang behikulo.
Hindi na talaga nadala o matuto ang management ng Robinsons Starmills sa carnapping sa kanilang parking lot.
Umabot lamang ng isang buwan ay nangyari na naman ang isang karnaping sa kanilang parking lot.
Sa Management ng Mall, bakit hindi ninyo po gayahin ang SM City Mall na kung saan nagbibigay ng “control ticket” sa bawat pumapasok na behikulo sa kanila?
Bakit hindi po ninyo umano magawa ang ginagawa ng SM City sa pamimigay ng ticket? Nagtatanong lang po.
Ang mainam kasi sa ticket, kahit anong mangyari ay hindi papayagan ng security guard ang isang behikulo na makalabas ng kanilang parking lot kung wala maiprisitang tiket ang drayber o may-ari ng sasakyan.
Umaksyon na po kayong Management ng Robinsons Starmills, baka malusutan ulit kayo ng mga karnaper.
At sa Pulisya naman, kinakailangan siguro ay maglagay na kahit na isa o dalawang PNP personnel sa Robinsons Starmills para kahit na papaano ay magdalawang isip ang mga karnaper. Hindi po ba?
Published in the Sun.Star Pampanga newspaper on June 21, 2012.
Opinion
Forum rules: Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent and respectful. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!
