Biglaang pagbaha sa Pampanga, dahil sa tail dike?
-A A +ABy Ric Sapnu
Wednesday, August 8, 2012
MARAMING nagulat sa mga kababayan natin noong Martes sa biglang pagtaas ng tubig baha sa kanilang mga lugar.
Isa sa naging dahilan ng pagbaha sa lalawigan ay ang patuloy na pag-ulan mula pa noong bagyong “Gener” at nitong nakaraang araw, dulot naman ng hanging habagat.
Halos umabot sa 219 na barangay ang nalubog ng tubig ulan mula sa 19 na bayan at dalawang lungsod ng Pampanga.
Umabot din sa mahigit 10,000 residente ang naapektuhan sa nasabing pagbaha at ang iba sa kanila ay inilikas sa mataas na lugar.
Ito ang naging basehan ni Gobernadora Lilia “Nanay Baby” Pineda para ideklara ang Pampanga sa ilalim ng State of Calamity noong Martes.
Puspusan naman ang ginagawang pag-ispekyon ni Pineda sa mga nasalantang residente, partikular sa mga bayan ng Sto. Tomas, Minalin, Macabebe, Guagua, Bacolor, Apalit, Candaba, Lubao, City of San Fernando at iba pang lubhang naapektuhan ng pagbaha.
Sang-ayon sa source ng Dateline, lumaki ang tubig baha sa lalawigan dahil umano sa pagkasira ng Tail Dike na nasa Sto. Tomas.
Napuno ng tubig ulan ang nasabing Tail Dike kaya siguro bumigay ito, kaya ang lahat ng tubig ulan na naipon mula noong nagsimula ang sunod-sunod na pag-ulan ay iniluwa nito.
At mga karating na bayan nito kagaya ng Minalin, Sto. Tomas, San Matias at Masantol ay lubhang naapektuhan ng biglaang pagbaha na kung saan halos umabot na sa bubong ang baha.
Kaya karamihan sa mga kababayan natin ay nasorpresa sa biglaang pagdalusong ng malaking tubig ulan.
Iyong iba nga ay hanggang ngayon stranded sa kani-kanilang mga bahay dahil sa taas ng baha sa lugar nila.
Maging sa Barangay Lourdes sa City of San Fernando ay nalubog din hanggang dibdib.
Nasopresa din ang mga residente ng Lourdes dahil hindi naman nagkakaroon ng malaking pagbaha sa kanila maliban noong Bagyong “Dading” noong 70’s.
Kaya laking gulat nila ng biglang tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar.
Hanggang sinusulat ito, umaabot pa rin sa baywang ang tubig baha sa kanilang lugar at nakakalabas lamang sila sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka.
Maging sa loob ng Camp Olivas ay inabot din ng baha nang hanggang lampas tuhod kaya iyong ibang mga PNP personnel sa mga iba't ibang tanggapan ay hindi nakauwi ng araw ng Martes dahil hindi sila makalabas ng kampo sa lakas ng agos ng tubig.
Ang kanilang mga sasakyan na nakaparada sa harapan ng Administrative building ay inabutan din ng tubig.
Ang tanong po ditto, sino kaya ang dapat sisihin o ibaling ang kasalanan sa pagkasira ng Tail Dike? Nagtatanong lang po…
Alam din natin na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nakakaalam kung bakit nasira ang Tail Dike.
Ang tanong ng mga kababayan natin, bakit hindi ba ito iniispeksyon ng kinauukulan kaya biglaan ang pagbaha sa Pampanga?
Dapat siguro magpaliwanag kung sino man ang namamahala nito. At ito ang masaklap. Kung walang pang mangyayari ay hindi ito iinspeksyunin ng kinauukulan. Di po ba? Palagi nalang tayo huli…
Published in the Sun.Star Pampanga newspaper on August 09, 2012.
Opinion
Forum rules: Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent and respectful. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!
