Sangil: Talagang ganiyan ang buhay (Isang kwento ng pag-ibig ni Toda Max)

NAISULAT ko na noong una pa ito,subali't napakasarap gunitain muli. Pebrero ngayon. Buwan ng mga puso. Buwan ng pag-inig. FEB-IBIG,ika nga . Noong mga dekada sisenta, kabataan ko noon, napasyal ako sa may gawing Mindanao. Isang kabigang matalik ang nagyaya na samahan ko siya dahil ang kaniyang napang-asawa ay tiga Pagadian, Zamboanga Del Sur. Maganda at tahimik ang ka-Mindanaoan noon. Halos isang buwan ako paroon parito sa kakapasyal sa magagandang pook, gaya ng Ipil, Alicia, Malanggas at Margos sa Tubig. Ipinasyal ako ng isa pang kaibigan at sa unang pagkakataon ay yumapak ako sa lupa ng lungsod ng Zamboanga. Ang ganda! Sabi nga ng kanta: ' Don't you go, don't you go to faraway Zamboanga'. Dahil pag nagpunta ka diyan ayaw mo ng umalis.

Umuwi ako ng Pampanga, subalit ipinasya kong babalik. At siya ko ngang ginawa at nagsama ng dalawang kaibigan, si Eddie Chantengco na kababata ko at si Joe David, isang karate instructor sa Clark Air Base. Nasa plano ko ang magtayo ng karate club sa lungsod ng Zamboanga. At di lumaon naitayo namin ang kauna-unahang karate club sa lungsod ang Beaux Brotherhood Karate Club. Nasa ikatlong palapag sa isang gusali sa may Kalye Calixto.

Nangupahan kami sa gusaling ito na ari ng isang pamilyang intsik, at ang engkargado o namamahala ay ang panganay nilang anak na si Daisy( hindi tunay na pangalan). Si Daisy ay lalabingsiyam na taong gulang, maganda, tsinita at hindi gaano ang kaputian pero napaka-ganda ng kutis.

Maganda ang takbo ng Karate Club namin, marami ang mga estudyante. Dumami ang mga kaibigan, at naging malapit ang kalooban naming dalawa ni Daisy. Lalo ng naging malapit ang loob ko sa kaniya na minsan ay ako' y itinakbo sa ospital ng Brent sa may Cawa Cawa pagka-tapos na maaksidente ako sa pakikipag-sparring sa isang Amerikanong brown belter na nagawi sa aming club.

Araw araw akong dinadalaw ni Daisy , inaayos ang higaan sa ospital at dinadalhan ng pagkain. Umusbong sa puso ko ang isang pag-ibig. Pansin ko naman sa kislap ng kaniyang mata at sa mga nigti niya sa labi ang katugunan. At di naglaon halos araw araw ang aming pagtatagpo. Sinusundo ko sa eskwela at nagniniig sa mga iba't ibang otel sa lungsod.

Nabisto ng magulang niya ang aming pag-iibigan at binalaan siya na aalisin ang kaniyang karapatan bilang anak. Tinayuan ko ang aming pag-iibigan. Sabi ko kay Daisy na sumama na lang sa akin sa bayan namin sa Porac at doon kami magpakasal at mamuhay.

Ilang araw din siyang iyak ng iyak at hirap sa pagdedesisyon,at hanggang sa ako'y lumisang mag-isa balot ng lumbay.

Nanatili muna ako sa Lungsod Angeles para lunurin ang pighati sa piling ng mga barkada, at pagkatapos ng ilang linggo nagpasya akong umuwi sa bahay namin sa Porac. Kaagad salubong ng aking ina ang isang sulat galing kay Daisy.

Sabi ng sulat hindi daw niya natiis na magkahiwalay kami, at sumunod sa akin at sabi niya puntahan ko siya sa isang address sa may Sampaloc sa Maynila sa bahay ng kaibigan niyang si Mila. Parang biglang nagkaroon ng pakpak ang aking mga paa at gustong makarating kaagad doon. Sakay sa taksi agad pagdating ng Maynila. Ng makita ang address, sunod sunod na katok sa may pintuan. Bumungad ang isang babae. Tanong ko agad: 'Ikaw ba si Mila? Andito ba si Daisy? Tumugon siya at sabay tanong: 'Ikaw ba si Max? Tumango ako. Umiling ang ulo at napalatak at sabi: 'Iyak ng iyak si Daisy. Ang tagal naghintay sa iyo. Bumalik na siya kahapon sa Zamboanga'.

Nag-krus ang landas, hindi biniyaan ang aming pag-iibigan. Talagang ganiyan ang buhay.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph