Sangil: Masaya sa Lungsod Angeles | SunStar

Sangil: Masaya sa Lungsod Angeles

Time to read
2 minutes
Read so far

Sangil: Masaya sa Lungsod Angeles

Friday, October 13, 2017

NOONG nakaraang Linggo, nagdiwang ang Lungsod Angeles ng Pyestang Kuliat, at sa huling Biyernes ng itong buwan ng Oktubre ay Pyestang Apu naman. Dalawa ang pyestang ipinagdidiwang ng lungsod, mula noong mga maraming nagdaang panahon. Masaya naman, lalo't lalo na pa sa huling Biyernes dahil sa Tigtigan, Terakan king Dalan na sinimulan ni Mayor Ed Pamintuan. (Sayang wala na si Dr. Mario Munoz ang laging katulong ni Mayor Edpam at asawang Miniang tuwing darating ang okasyong ito). Pero tuloy ang ligaya.

Marami na naging pagbabago sa lungsod. Para sakapakanan ng mga mambabasang kabataan ngayon, gusto kong isalarawan kung ano ang hitsura ng Lungsod ng ito noong mga panahong nagdaan.

Noon pa man, ang Angeles ay isang "24 hour town". Isang bayan na hindi natutulog, punong puno ng mga aktibidades. Madaling araw pa lang mapapansin mo na kaagad ang mga taong nagdudumali sa kanilang paggawa ng mga trabaho, mga mangagawa na nag-aagawan ng sasakyan patungo sa trabaho nila, na karamihan patungo sa kalapit na Clark Air Force Base.

Ang sentro ng komersiyo ay ang downtown area na sakop ng baryo San Nicolas. Nandito ang palengke, himpilan ng pulis, mga bazaar, kiosko at karamihan sa mga sinehan. Isa sa mga kilalang tindahan ay ang Iniang's Place naging paboritong kainin ng marami dahil sa kanilang "jambalay", isang kanin na kulay dilaw na iba iba ang sahog. Si yumaong Virginia Flores na kumare ng nanay ko ay lola ni Clark Development Corporation CDC) President Noel Manankil.

Noong mga panahong yaon, uso pa ang mga kiosko. Ito'y yaong mga tindahan na iniistambayan ng mga kalakihan dahil sa mga magagandang tindera na siyang karamihang empleyado dito. Sikat noon ang Estings Cafe at Plaza Cafe.

Ang mga popular na night clubs noon ay ang Paulines, Rorecel, Stork at ang Sands na pagmamay-ari ni Ramon Revilla Sr. Ito mga ito ang dinadayo ng mga mayayaman na mahilig sa goodtime. Ang karamihan ng mga maliliit na bars ay nasa baryo Balibago area at mga Amerikanong sundalo ang karamihan na parukyano.

Noong mga panahon na iyon, napakahirap pa sa mga Pilipino ang makapasok ng Clark. Iilan lang binibigyan ng "commander's pass", na siyang pagkikilanlan na ikaw ay natatanging kaibigan ng mga kano. Ito iyong mga taong naglalagi sa mga kainan ng sundalong Amerikano at pamilya sa loob ng base militar.

Iilan lang ang mga sinehan. Ang Devry theater na ari ng pamilyang Joseph. Ang Marte na ari ng pamilyang Valdes at Abad Santos. Ang Paraiso theater na ari ng mga Henson. Huli na ng itayo ang Family, Pat at Angeles theaters ng pamilya Tablante. Sinundan ito ng Robin at Sandra theaters ng mga Nepomuceno. Ngayong panahong ito ay wala na ang mga sinehang ito na halos kinalakihan ng mga bata noon.

Wala pang mga malls. Karamihan mga bazar. Isang maliit na mall, ang Miramar,na itinayo sa may malapit sa riles ng tren na malapit sa may baryo Sta. Teresita. Sumunod ang Nepo Mart kalaunan, na halos ang mga tinda ay mga PX items na ibinebentang palihim ng mga sundalong kano at ng kanilang pamilya sa blackmarket.

Tumabo ng pera ang mga "moonshiners", mga taong may tagong pagawaan ng fake na alak na may foreign brands.

Naging chartered city ang Angeles noong 1964. Isang panukalang batas ang "Angeles City Charter Law", ang itinaguyod noon ni Congresswoman Juanita Lumanlan Nepomuceno na para maging Lungsod ang maunlad na bayan ng Angeles. Ang presidente pumirma sa kaniyang charter ay si Pangulong Diosdado Macapagal.

Sa kasaysayan, ang huling huli na naging alkalde ng bayan ay Rafael S. Del Rosario at siya rin naman ang kauna-unahang naging mayor ng Lungsod Angeles. Sana naman ang artikulong ito ay gawing gabay ng Tourism Office ng lungsod.

Published in the SunStar Pampanga newspaper on October 14, 2017.

Latest issues of SunStar Pampanga also available on your mobile phones, laptops, and tablets. Subscribe to our digital editions at epaper.sunstar.com.ph and get a free seven-day trial.


View Comments