Sangil: Sa tuwing parating ang Pasko | SunStar

Sangil: Sa tuwing parating ang Pasko

Time to read
2 minutes
Read so far

Sangil: Sa tuwing parating ang Pasko

Saturday, November 11, 2017

TUWING parating ang pasko ang bawa't pamilya ay inaasam ang pag-uwi ng mga kaanak mula sa ibang bansa. Yaong namang mga kaanak na nasa ibang bansa ay lalong lumalalim ang kapanglawan lalo na kapag narining ang kantang "I'll Be Home For Christmas." Normal lang na may nagbabalikbayan para ipagdiwang ang celebrasyon ng pasko at bagong taon dito sa atin. Mababakas mo sa kanilang mukha ang kaligayahan pag natuntong na sa sariling lupang tinubuan. Makakadaupang palad muli ang mga kaibigan at makakasalo na naman ang pamilya. Dalawa sa kapatid ko, si Myrna ang bunso ay dumating na noong dalawang linggo pang nakaraan mula sa New York. Inaabangan na lang ang bunsong lalaki sa aming magkakapatid si Vennie na nasa London naman.

Malungkot sa ibang bansa. Lalo na kung malayo ka sa mga mahal mo sa buhay. Lalo na pag ganitong magpapasko. Sa mga iba na hindi pa nakapang-ibang bayan, may pagka-inggit silang nararamdaman kapag nakita ang mga larawan ng mga kaibigan na ang background ay maputing niyebe. White Christmas, di ba? Maganda lang sa larawan.

Ilang balik ko na sa Estados Unidos. Nakapaglibot na ng maraming beses sa buong daigdig. Halos nabisita ko na ang maraming bansa sa Asia. At sa aking paglilibot, mga kapuwa Pilipino ang nakahuntahan. Sa umpisa ay masaya, at bandang huli ay kwento ng pagtitiis, kalungkutan at pagnanais na makabalik sa Pilipinas.

Minsan kasama ko si Mayor Romy Pecson ng Magalang, ang mga negosyanteng Manny Alfonso, na nagmamay-ari ng Ribeye Steak House, Ray Dizon, isang malaking tindero sa palengke ng Pampang sa Lungsod Angeles at si Troy Recabar sa Copenhagen, Denmark.

Maikwento ko lang. Patungo kami ng Hamburg, Germany at nagkakape sa isang coffee shop sa istasyon ng tren ng mapadaan ang isang Pilipino. Sinita kami. 'Kabayan', bati niya na naniniguro nga na kami'y mga Pilipino.

Pinaupo namin, at ilan pang mga minuto bawat Pilipino dumadaan ay naki-upo na rin at naging masaya ang mga balitaan. Bawa't isa ay kaniya kaniyang kwento, pero noong bandang huli mga narinig namin ay mga kwento ng paghihirap ng katawan, pamamanglaw at kasabikang mabalik muli sa bansang sinilangan, lalo na pa tuwing sasapit ang pasko.
Pabiro ko sinabi sa kanila: ' Sa atin sa Pilipinas, ang lalaki ay isa ang trabaho pero magka-minsan tatlo ang asawa. Sa Amerika o sa Europa ang lalaki tatlo ang trabaho pero isa lang ang asawa. Nagkatawanan. Kahit biro ang binitiwang kong salita, eh talaga namang may katotohanan naman yon.

Mangha ang mga kausap namin ng ikwento ko ng maikli ang buhay ng bawa't isa sa amin. Ikinwento ko na si Mayor Pecson ay naging tricyle driver at nag-umpisa sa ilang kilo ng karne at ngayong mga panahon may malaking meat processing plant, ang Roel's Food Corporation.

Si Manny Alfonso ay nagtitinda ng pandesal at padyak ang bisikleta sa madaling araw nililibot ang ilang bayan sa Tarlac. Si Troy Recabar ay runner ng mga alahas sa may Henson St. sa Lungsod Angeles ngayon may ilang pawnshops na. Si Ray Dizon ay nag-umpisa ng maliit na tindahan at ngayon siya ang pinkamalaking supplier ng mga kinatay na baboy sa mga pulkero.

Ng sumakay kami ng aming tren, sa pagpapatuloy ng aming biyahe, mapapansin ang paglambong ng sobrang kalungkutan ng mga ilang kausap,at sa totoo lang iyong isang babae tiga-Cebu nagmakaawa pa kay Troy isama siyang pabalik sa Pilipinas at alilahin na lang siya o bahala ang aking kaibigan kung ano man gustong gawin sa kaniya. Tawanan kaming lahat habang umuusad na ang tren. Sabi ko nga sa inglis: While we have the laughter, yet we felt our own sadness because we commiserate with their loneliness. (Petmalu ang inglis na yan).

Published in the SunStar Pampanga newspaper on November 11, 2017.

Latest issues of SunStar Pampanga also available on your mobile phones, laptops, and tablets. Subscribe to our digital editions at epaper.sunstar.com.ph and get a free seven-day trial.


View Comments