Warehouse, Sinalakay
-A A +ABy Ric Sapnu
Saturday, February 26, 2011
ISANG WAREHOUSE na pinaniniwalaang ginagamit ng Dominguez Group ang sinalakay ng magkasanib na puwersa ng Highway Patrol Unit-3 (HPU3), Pampanga Police Provincial Office (PPPO) at City of San Fernando Police noong Martes.
Ang sinalakay na warehouse ay nasa #22 Zamora Street, Davsan Subdivision, Barangay Sindalan, City of San Fernando na nadiskubre ng HPU3 matapos ng isinagawang surveillance dito.
Isinailalim sa surveillance ang warehouse matapos humingi ng tulong si Jose Tayco ng Las Piñas, Laguna sa HPU3 dahil ang nakarnap nitong Mitsubishi Adventure (PKI-684) noong Pebrero 8 sa Morning Breeze sa Caloocan City -- na may GPS tracking device -- ay na monitor na huling huminto sa nasabing lugar.
Hindi makakuha ng search warrant ang HPU3 sa pamumuno ni Sr. Supt. Sheldon Jacaban dahil hindi tinanggap ng korte ang basehan na GPS tracking device.
Kaya ang ginawa ng HPU3, tinutukan ang nasabing warehouse na pag-aari umano ni Gloria Sison at noong Martes (Peb. 22), isang Mitsubishi pick-up na may plakang (SCJ-161) ang lumabas sa compound at kanilang sinundan, ayon pa kay Jacaban.
Nguni’t napansin ng drayber na nakilalang si McLester Reyes ng Caloocan City na siya’y sinusundan ng HPU3 mobile patrol kaya pinasibat nito ang kanyang sasakyan.
Sinundan pa rin ito ng HPU3 mobile patrol hanggang ito’y masabat ng Arayat Police na nagtayo ng checkpoint sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Antonio, Arayat.
Kinasuhan ng reckless driving si Reyes at nakumpiska sa kanya ang isang Tauruz .45 caliber pistol at isang magazine nito.
Sa pakikipag-tulungan sa Barangay officials ng Sindalan ay nasalakay din ang naturang warehouse at doon lumantad ang iba’t ibang behikulo na chop-chop, ayon pa kay Jacaban.
Ang mga narekober sa warehouse ay isang White Subaru Legacy Sedan (ULG-245), isang Gray Isuzu Double Cab Elf na walang plaka, isang Nissan Pick-up (XDV-607), isang Toyota Revo (XKE-343), isang unit ng chop-chop Ford Ranger with defaced chassis number and engine block, isang putol na chassis assembly na walang serial number at dalawang pick-up trucks na Nissan Frontier at Toyota Hi-Lux.
Narekober din ng raiding team ang isang welding machine, mga acetylene tanks, drilling tools, cutting tools, numerous mechanical tools, mga iba’t ibang uri ng gulong at mags, mahigit isang libong pirasong stub/bolt ng gulong.
Inamin naman umano ni Reyes na siya’y miyembro ng isang carnapping/dismantling vehicles syndicate. Sinabi din ni Reyes na ang mga spare parts na kanilang na chop-chop ay binebenta ng sindikato sa mga auto spare stores sa Central Luzon.
Sang-ayon kay Jacaban, sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay isang nakilalang Ruel Oberos alias “Weng” at Jomel Salvatierra as “Ka Nick Nuck” na umano mga kasamahan ni Reyes ay pawang sangkot sa illegal operation ng carnapping at dismantling of vehicles.
Isang manhunt operation ang inilunsad ng HPU3 laban kina Oberos at Salvatierra at kasamahan ng mga ito na tinaguriang Bonifacio Carnapping Group, na kaanib ng Dominguez Group.
Inihahanda ng Pulisya ang pagsampa ng kaso sa korte ng illegal possession of firearms at iba pang criminal charges laban kay Reyes.
Matatandaan na limang warehouses na pag-aari umano ng Dominguez Group ang sinalakay noong nakaraang buwan ng Pulisya sa Pampanga kung saan nakarekober ang 17 iba’t ibang uri ng na-karnap na sasakyan at chop-chop vehicles.
Sa isinagawang raid sa Sindalan ng HPU3, Pampanga Police at City of San Fernando Police ay pang-anim na itong warehouse ng mga karnaper.
Ang tanong dito, mayroon pa kayang mga warehouse ng mga karnaper ang hindi pa natutuklasan ng Pulisya? Nagtatanong lang po.
Tila ginawa nang “warehouses” ng mga carnapped vehicles ang lalawigan ng Pampanga. Ano naman kaya ang ginagawa ng PNP ukol dito para masugpo ang pagtatayo ng mga warehouse sa lalawigan? Nagtatanong lang po.
Kailangan sigurong magtayo ang PNP ng Police Detachment o Community Police Center (COMPAC) sa mga tollway/exit ng North Luzon Expressway dahil dito dinadaan ng mga karnaper ang ninanakaw nilang behikulo sa Metro Manila.
De Castro, bagong PRO3 PIO
Kahapon ay nagsimula nang umupo bilang bagong chief ng RPIO si Supt. Romeo De Castro.
Si De Castro ay nanggaling sa Zambales Police Provincial Office at siya ang Provincial Deputy Director for Administration. Ilang taon din nag-serbisyo si De Castro sa Zambales Police.
Si Chief Inspector Karen Clark na dating chief ng PPIO ay nag-schooling sa Camp Crame para sa kanyang promotion.
Welcome po sir, sa Camp Olivas.
Published in the Sun.Star Pampanga newspaper on February 27, 2011.
Opinion
Forum rules: Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent and respectful. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!

