Friday, October 10, 2008 3 napa-away na EB Babes nagdemanda
PORMAL nang nagsampa ng kaso ang tatlong miyembro ng grupong EB Babe laban sa nakainitan nitong pamilya sa isang doughnut shop noong Linggo.
Nagtungo ang tatlo noong Miyerkules sa San Juan Regional Trial Court (RTC) para maghain ng reklamong less physical injuries partikular laban kay Fabian dela Paz na diumano'y nagsaboy ng mainit na kape kay EB Babe Mae dela Cerna.
Sa pahayag ni dela Cerna sa kanyang TV interview, aniya apat na linggo siyang hindi makakapagtrabaho dahil sa first-degree burn na tinamo niya.
"Hindi po ako nakaka-attend ng rehearsals. Hindi po ako nakakapasok," pahayag ni dela Cerna.
Dagdag pa niya bukod sa pagkalapnos ng kanyang balat, ayon sa kanyang doktor ay naapektuhan din ang kanyang pandinig.
"Sabi po ng doktor nasunog po 'yung canal ng sa eardrum ko tsaka 'yung mismong eardrum ko po ang nasunog," maluhaluhang sambit ng dalaga.
Nag-ugat ang away ng tatlong EB Babe at ng pamilya dela Paz sa isang doughnut shop noong Linggo ng gabi dahil sa simpleng hindi pagkakaintindihan sa pila.
Ayon kay EB Babe Saida Diola, "nagwawala pa rin po siya (Fabian) hinahatak na siya nung anak niyang lalaki, tapos pagsusuntukin pa po kami."
Dagdag naman ng isa pang EB Babe na si Ann Boleche, "Pagkasaboy kay Mae, umiiyak na po siya, so nagulat na po ako punung-puno na po siya ng kape."
Hanggang sa ngayon ay wala pa rin pahayag ang pamilya dela Paz ukol sa kasong isinampa laban sa kanila. Una na nilang itinanggi ang diumanong pananakit sa miyembro ng EB Babe.
Depensa ni Tess dela Paz, asawa ni Fabian, ipinagtanggol lang daw ng kanyang asawa ang sarili laban sa tatlong dancers na akmang kukuyigin ang asawa nito.
Nagpahayag na din ng kanilang statement ang pamunuan ng Tape Incorporated na namahala ng show na "Eat Bulaga" kung saan regular performer ang EB Babe.
Ayon sa Tape, suportado nila ang laban ng tatlong EB Babe at sisiguraduhin daw nila na hindi pababayaan ang reklamo ng tatlo at maisusulong ang kanilang karapatan. (JRDB/Sunnex)