Monday, October 13, 2008 Mall show ni Sarah dinagsa
MATIYAGANG naghintay ang mga fans ni Sarah Geronimo sa annex ng SM Fairview noong Linggo para masulyapan ang kanilang nag-iisang Pop Princess.
Kahit na halos tatlong oras naghintay ang ilan sa mga masugid na tagahanga ni Sarah ay napawi naman ang kanilang pagkainip nang marinig nila ang ilan sa mga bagong awitin ng aktres sa album nitong "Just Me."
Ilan sa mga kinanta ng singer-actress ay ang "I'll be There" na ni-record niya ka-duet ang Backstreet Boys member na si Howie D. Muli naman niyang pinakilig ang mga tao sa pagkanta niya ng "A Very Special Love" na theme song ng hit movie nila ni John Lloyd Cruz.
Ayon sa ilan sa mga fans ni Sarah hindi nila alintana ang paghihintay ng matagal sa Pop Princess dahil sulit naman daw na marinig ang magandang boses ng kanilang idolo. Ang mainit na pagtanggap din diumano ni Sarah sa kanyang mga manonood ang dahilan kung bakit sinusuportahan nila ang dalaga.
"Mabait siya at wala siyang ere sa katawan. Palangiti din siya at sobrang magaling kumanta," ayon sa isang fan.
Mukhang malaki na rin ang pinagbago ng klase ng mga taong sumusupota kay Sarah, kung dati ay patok lamang siya sa mga kabataan, ngayon ay pati ang mga matatanda at mga lalaki ay napapahanga narin nito.
Isang matanda ang nagwika, "Gusto kong makita si Sarah. Maganda ang kanyang tinig at mabait na bata."
Matapos ang maikling pag-awit ni Sarah ay pinaunlakan naman niya ang mga bumili ng kanyang album para sa autograph signing. Mabilis lang ang naging mall show ng dalaga dahil naka-schedule din itong umalis ng bansa para sa isang show. (JRDB/Sunnex)