Tuesday, October 14, 2008 Patani patuloy ang 'exfosyur'
ANG simpleng kahilingan ng castaway na si Patani Daño na magkaroon ng "exfosyur" ay patuloy na binibigyang katuparan ng GMA-7 Network buhat nang matanggal ito sa reality show na "Survivor Philippines."
Sunod-sunod na nga ang mga TV guestings ng dating kasambahay na tubong Camotes Island sa Cebu. Una siyang lumabas sa isang maikling video interview sa "24 Oras" kung saan nagpakitang gilas pa ito sa entertainment anchor na si Pia Guanio.
Sinundan naman nito ng paglabas niya sa iba pang shows ng GMA na "Startalk," "Showbiz Central," at nag-co-host din siya sa lifestyle show ni Lucy Torres-Gomez na "The Sweet Life" sa QTV 11.
Si Lucy mismo ang nag-request na makasama si Patani bilang kapalit pansamanatala kay Wilma Doesn't na nagkasakit ng panahon na iyon.
Mahaba-habang "exfosyur" din ang ibinigay ng barkada ng "Unang Hirit" (UH) Lunes ng umaga para kay Patani. Siya ang nag-balita ng presyo ng mga bilihin sa Sta. Ana Market kasama ang regular UH host na si Drew Arellano para sa segment na UH Watch Market with Patani.
Hinamon ni Patani ang tatlo sa mga tindero ng isda sa palengke na higitan ang oras niya na 38 segundo sa paglilinis ng isang isda. Wala pa sa kalahati ang pag-dedetalye ni Patani kung paano ang tamang paglinis ng isda ay natapos na agad ng isang tindero ng hamon.
Bilang premyo, isang halik ang sinabi ni Drew na ibibigay ni Patani sa nanalo ngunit bigla namang nagpulasan ang tatlong kalahok habang pabirong hahalikan ni Patani.
Hindi pa sigurado kung magiging regular host na ba si Patani sa UH ngunit sa ngayon ang malinaw lang ay unti-unti ng naaabot ni Patani ang mga bagay na matagal na niyang inaasam. (JRDB/Sunnex)