Thursday, October 16, 2008 Arnel Pineda magpapakasal na
MUKHANG susulitin ng sobra ng sikat na Journey vocalist na si Arnel Pineda ang kanyang tatlong buwang bakasyon sa bansa matapos ang kanilang mahabang concert.
Inihayag na nga ni Arnel na bukod sa kaligayahan na makapiling ang kanyang pamilya sa darating na Pasko ay bahagi din ng kanyang bakasyon ang pagpapakasal sa kanyang girlfriend.
Sa pagpasok ng bagong taon niya pinaplano na pakasalan ang babaeng ayon sa kanya ay pumapawi sa matinding sakripisyo at pagod niya bilang frontman ng Journey.
Aniya, handa na siyang makasama ng pang-matagalan ang dalagang naging inspirasyon niya sa buhay sa mahabang panahon.
Labis-labis naman ang paghingi ng paumanhin ni Arnel sa mga gustong mag-guest sa kanyang mga shows sapagkat hindi siya sigurado kung makakakanta siya dahil sa maselang kalagayan niya ngayon.
Sinabi nito na lahat ng pagod niya sa 62 shows sa kanilang concert tour ay ngayon lang lumalabas. Kamakailan lang ay nagkaroon ng trangkaso ang singer at sa ngayon ay pinayuhang ipahinga muna ang boses nito.
Ang first solo concert ni Sam Milby ay isa sana sa mga dadaluhang shows ni Arnel ngunit nangangamba siya na baka hindi siya makapunta. Nauna naman na itong humingi ng pasensya sa aktor-singer. (JRDB/Sunnex)