
|
Thursday, July 07, 2005
Sapnu: 'Bold shows' nagsulputan na naman By Ric Sapnu
HINDI pa rin umano nahihinto ang "bold shows" sa mga night clubs at iba pang establisyamento sa Angeles City at City of San Fernando.
Ito ang napag-alaman ng Intelligence Officer ng Dateline, na kung saan naglipana na naman umano ang pagpapalabas ng "bold" sa mga nightspot sa Angeles City at maging sa karatig-bayan.
Dahil dito, hindi naman umano nag-atubili si Angeles City Mayor Carmelo Lazatin at kaagad inatasan nito ang Special Operations and Monitoring Office (Somo).
Sa natanggap na report ni Lazatin, kabilang sa mga nightclub na walang humpay na nagpapalabas ng "bold" ay kinabibilangan ng Masaki Secret Place Karaoke Bar at Raf's Karaoke Lounge sa Barangay Balibago.
Hindi lamang umano sa dalawang nabanggit na nightclub nagsagawa ng monitoring ang Somo. Kahit maging sa kahabaan ng Fields Avenue na tinaguriang "Red Light District" ay talamak din ang ganitong uri ng palabas.
Sa City of San Fernando ay muli na naman umanong parang kabuteng nagsulputan ang mga establisyamentong nagpapalabas ng "bold."
Matatandaang marami na rin naipasarang mga nightspot ang City Government ng San Fernando nang sinimulan din nila ang kanilang kampanya laban sa mga nagpapalabas ng "bold."
Halos lahat ng mga nightspot at videoke bar sa lungsod na nagpapalabas ng "bold" ay naipasara ng Pulisya dahil na rin sa utos ni mayor.
Subalit sa ngayon, nagsulputan na naman ang mga nightclub na nagpapalabas ng "bold" sa City of San Fernando, kaya dapat siguro ay pag-igtingin muli ang kampanya laban dito.
Nagtataka lamang ang religious sector kung paaano nakakakuha ng "permit" ang mga nightspot ng kanilang business na kung tutuusin ay mahigpit itong pinagbabawal.
Sana daw, aksyunan kaagad ng kinauukulan ang reklamo ng religious sector.
Koleksyon sa quarry, tumaas
Kumpiyansa ang Pampanga Quarry Task Force na malampasan nila ang kanilang target na P30 milyon sa quarry koleksyon sa loob ng isang taon.
Sang-ayon sa report ni Vergel Yabut, provincial treasurer, sa loob ng anim na buwan mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2005 umabot na sa P19.8 milyon ang kanilang nakolekta sa quarry fee.
Ito aniya ay dahil sa mahigpit na "monitoring" ng Task Force sa quarry operations sa Pampanga at sa tulong din ng Provincial Mobile Group ng Pampanga Police Office.
Sa buwan lamang ng Hunyo, umabot sa P4.1 milyon ang gross income ng quarry fee. Ang ibig sabihin lang nito, ayon kay Yabut, ang koleksyon sa quarry fee ay gumaganda.
Matatandaang sinabi ni Pampanga Governor Mark Lapid na P30 milyon ang target nito sa taon na ito sa quarry fee at sa "trend" ng koleksyon, maaari pa itong malampasan ang nasabing target income.
Sabi pa nga ng Task Force Quarry, baka umabot sa P50 milyon ang maging koleksyon nila sa quarry fee.
Quarry fee collection sa Clark, saan napupunta?
Ang quarry operations sa Pampanga ay nalalaman ng taong bayan kung magkano ang kanilang koleksyon sa quarry fee.
Subalit sa Clark Special Economic Zone, hindi nalalaman ng taong bayan kung kanino at saan napupunta ang kanilang koleksyon sa quarry operations sa Sacobia River.
Sang-ayon sa IO, araw at gabi ang quarry operations sa Sacobia river at hindi mabilang ang mga truck na naghahakot dito.
Umaabot mula sa 300 hanggang 500 truck ang naghahakot ng buhangin sa Sacobia River kada araw, ayon pa sa IO. Kaya kung susumahin ang koleksyon sa quarry fee ay aabot din sa ilang milyon piso.
Nagtatanong lang ang taong bayan kung saan napupunta ang nakokolekta sa quarry operation sa Sacobia. Sa Mabalacat Goverment ba o sa Clark Development Corporation (CDC)? Nagtatanong lang po ang taong bayan.
(July 7, 2005 issue) Write letter to the editor.Click here. Join the Sun.Star message board.Click here. |
|
[return to top]
[home]
[network page]
|

LOCAL NEWS BUSINESS OPINION SPORTS LIFESTYLE FEATURE


|