Monday, October 29, 2007 Sapnu: Administrasyon ni Panlilio, magulo? By Ric Sapnu Dateline: Olivas
DAHIL sa quarry operations marami nang hindi kasundo si Gub. Ed Panlilio, kaya ang tingin ng mga kababayan natin mukhang magulo ang administrasyon nito.
Magmula nang umupo si Panlilio sa Kapitolyo, wala na umanong makasundong mga politiko sa kanyang pamamahala lalo na kung pag-uusapan ay ang "quarry collection" na umano'y naging ugat ng awayan ng mga ito.
Maraming mga kababayan natin ang nagsasabi na maayos naman ang palakad ni Panlilio sa Kapitolyo lalo na makaraan nitong maiangat ang quarry fee collection kung saan napaabot nito sa mahigit P1 milyon sa loob lamang ng isang araw.
Sabi nga ng mga nagtatakang kababayan natin, ganito pala kalaki ang quarry fees collection at kung ikukumpara mo umano noong termino ng mga nakaraang administrasyon sa loob ng isang taon ay umaabot lamang ito sa P36 milyon ang kanilang nakolekta.
Humanga ang maraming kababayan natin sa naging koleksyon ng quarry fees dahil ngayon lamang daw nila nalaman na ganito pala kalaki ang koleksyon sa quarry at talo pa umano ang jueteng operation.
Tuwing ibinibigay ni Gub ang share sa quarry collection fees sa mga Alkalde na mayroon quarry operation area ay kanyang isinasapubliko upang patunayan na ibinibigay niya ito.
Ilang beses na rin ginawa ni Gub Panlilio ang hayagang pagbibigay ng quarry collection fees shares sa mga alkalde.
Nguni't nang banding huli ang mga alkalde na mayroon quarry operations sa kanilang hurisdiksyon ay hindi natutuwa sa binibigay na porsiento ng Kapitolyo sa kanilang bayan.
Kaya ang ginawa ng miyembro ng Pampanga Mayors League (PML) ay nagbuo sila ng isang na Ordinance 176, na nagsasaad na "equitable distribution ng quarry shares" kung saan inaabolis nito ang administrative fee na kinokolekta ng Kapitolyo mula sa P300.00 kada truckload ng buhangin.
Umabot na hanggang sa Provincial Board (PB) members ang nasabing ordinansiya at nang makarating ito kay Panlilio ay kanyang ni-reject. Ito'y dahil sa mga adviser umano nito na sumasalungat sa nasabing Ordinance 176.
Sa mga nakapaligid na supporter ni Panlilio, kinontra nila ang nasabing ordinansiya ng PML dahil, ayon sa kanila hindi raw dapat mangyari iyon ang dapat mas malaki pa rin ang share ng Kapitolyo.
Ang naging aksyon naman ng PB ay in-override nila ang nasabing Ordinance 176 sa pamamagitan ng botohan 12-0. Ang Resolution No. 817 ang naging aksyon na ginawa ng mga PB members.
Ang naging aksyon naman ng Kapitolyo sa pag override sa Ordinance 176, sang-ayon kay Panlilio kanyang idudulog sa Department of Justice at sa korte.
Dito nagsimula ang gusot sa pagitan ng mga Board Member at mga Alkalde sa naging aksyon ni Gub Panlilio sa pag-veto nito sa nasabing Ordinance 176.
Gusot nina Gub at Mayor Dungca
Hindi pa natatapos ang gusot sa mga Provincial Board members, mayroon na naman lumutang na gusot sa pagitan ni Gub. Panlilio at Bacolor Mayor Buddy Dungca.
Ang gusot sa pagitan nila ay "quarry operations" na naman. Kamakailan kasi pinahinto ng Kapitolyo ang quarry operations o desilting operations sa bayan ng Bacolor.
Ang sabi ng Kapitolyo kinakailangan muna umano kumuha ng "special quarry permit" ang mga operator na naghahakot ng buhangin mula sa may Gugu Dike.
Nguni't hindi hininto ni Dungca ang nasabing desilting operation dahil, ayon sa kanya, ginawa lamang nito ang tama sa panahon ng pangangailangan, buhay ng mga kababayan nito ang nakasalalay.
Sang-ayon pa kay Dungca ang hinahakot na buhangin ng mga truck sa Gugu Dike ay hindi ito binebenta sa halip tinatambak ito sa kanyang bayan upang sakaling magakasunod-sunod man ang bagyo hindi masasalanta ang kanilang lugar.
At dahil hindi hininto ni Dungca ang desilting operations, nag-utos ang Kapitolyo na magpadala ng maraming pulis sa Bacolor upang sapilitan umano ipahinto ang nasabing operasyon.
Sa patuloy na desilting operations, kinasuhan ni Gub. Panlilio si Dungca dahil umano sa paglabag sa Local Government Code at Mining Act of l991. Ang nasabing kaso ay naka-file na umano sa Office of the Ombudsman.
Sang-ayon naman kay Dungca, ang aksyon nito sa desilting operations ay naaayon sa Local Government Code, partikular Article VII, Sec. 444, na nagsasaad ang alkalde "may carry out emergency measures that may be necessary during and in the aftermath of man-made and natural disasters and calamities."
Ito lamang po ang mga gusot na ginawa o nangyayari sa Provincial Capitol kung saan marami ng kababayan natin ang nagtatanong "SAAN KAYA PATUTUNGO ANG ATING PAMAHALAAN?" Lahat yata ng mga pulitiko sa lalawigan ay wala na ni isang kasundo ang ating Gubernador.
Nagtatanong lang po ang ilan sa ating mga Kababayan.
May mga kababayan din po tayong nagtatanong kung bakit bumaba diumano ang koleksyon sa quarry operations mula sa P1.2 milyon kada araw ngayon ay P500,000 na lamang. Ano raw ang nangyari?