Tuesday, November 06, 2007 Sapnu: Quarry fee collection, bumaba? By Ric Sapnu DATELINE: Olivas
MARAMING nagtatakang mga kababayan natin kung bakit ang koleksyon ng quarry sa lalawigan ng Pampanga ay biglang bumaba.
Sang-ayon sa kanila, samantalang noong unang araw ng quarry fees collection, ipinahayag ng Provincial Capitol sa pamamagitan ni Gubernador Among Ed Panlilio umabot ito sa halagang P1.2 milyon.
Kung inyo pong matatatandaan noong Hulyo, kanyang isiniwalat sa media na umaabot sa mahigit P1 milyon ang kinikita ng kapitolyo sa quarry operation sa loob lamang ng isang araw.
Pagkatapos ng ilang araw na koleksyon sa quarry operation, ipinatawag ni Panlilio ang mga alkalde na mayroong quarry area sa kani-kanilang lugar upang tanggapin ang kanilang “share” mula sa kita ng quarry sa lalawigan.
Noong una at pangalawang beses tanggapin ng mga alkalde ang kanilang “share” sa kita ng quarry collection ng Kapitolyo hindi kumibo ang mga ito sa maraming kadahilanan na hindi natin alam kung ano iyon.
Sa madaling salita, nag-usap-usap ang mga alkalde ng lalawigan at kanilang napagdesisyunan na gumawa ng hakbang upang ang kanilang “share” sa quarry collection ay tumaas.
Sa pamamagitan ng pagpupulong na pinangunahan ng Pampanga Mayor’s League, ang Ordnance No. 176 ay kanilang ginawan ng resolusyon upang mabago ang “sharing” sa quarry collections.
Umabot hanggang sa Provincial Board Members ang nasabing ordinansa ng PML at doon nagkaroon ng kontobersya sa pagitan ng BM at ni Gub. Panlilio.
Ang dahilan, ni-reject ni Panlilio ang nasabing ordinance dahil karamihan sa mga nakapaligid o adviser ay kontra dito. Dapat umano malaki pa rin ang share ng Kapitolyo sa quarry collections.
Sa veto ni Panlilio sa Ordinance No. 176 at inoverride naman ng BM sa pamamagitan ng Resolution 817.
Sa Veto at pag-override sa Ordinance No. 176, biglang bumaba ang koleksyon ng quarry fees ng Kapitolyo. Bakit po kaya?
Mula sa mahigit P1 milyon naging P500,000 na lamang ang koleksyon sa quarry ng kapitolyo. Mukha yatang nakakaduda po ang nasabing biglang pagbaba ng koleksyon sa quarry. Nagtatanong lang po.
Hanggang sa ngayon wala pang ipinatatawag ang gubernador na mga alkalde upang ibigay ang kani-kanilang “share” sa quarry collections. Bakit po kaya?
Ano kaya po ang talagang malaking dahilan kung bakit biglang bulusok ang kita sa quarry collections? Nagtatanong lang po.
Hindi po dahilan ang Subic-Clark --Tarlac expressway (SCTex) kung bakit biglang bumaba ang collection sa quarry operation dahil marami pa rin quarry trucks ang naghahakot ng buhangin hanggang kasalukuyang kahit na tapos na ang SCTex.
Kung sa loob ng isang araw, mayroon 3,000 quarry trucks ang naghahakot ng buhangin sa Pampanga ang kabuuan nito ay aabot sa P900,000.00.
Hindi lang po iyan sa ginawang imbestigasyon ng Intelligence Officer (IO) ng Dateline, hindi lang dalawang beses na naghahakot ang isang truck kung minsan nakakatatlong beses pa ito sa loob ng isang araw.
Gawin na lamang po natin, dalawang beses maghakot ng buhangin ang isang quarry truck ang sumatutal nito ay P1.8 milyon. Di po ba?
Hindi po ba nakapagtataka kung bakit biglang bumaba ang koleksyon sa quarry kung pagbabatayan ang ginawang imbestigasyon ng IO hindi dapat bumulusok na ganoon kababa ang kita sa quarry. Nagtatanong lang po ang ating mga kababayan.
Sabi nga ng mga kababayan natin, mukhang nakakahawig na umano ang koleksyon sa quarry ang P500,000 na ibinigay umano o inaabot kay Gov. Among Ed Panlilio..
62 PNCOs bagong graduate sa Public Safety Senior Leadership course
Noong October 30, nagtapos ng kursong “public safety senior leadership” ang mga PNP personnel na may ranggong SPO2s at SPO3s.
Ang nasabing nagsitapos ay pawang nakatalaga sa mga provincial at city police offices sa Central Luzon kung saan nagsimula ang kanilang schooling ng Hulyo 10.
Umabot sa apat na buwan ang schooling ng nasabing mga SPO2s at SPO3s na ginanap sa Regional Training School sa Magalang, Pampanga na pinamumunuan ni Senior Superintendent Gavino Marzan.
Siyempre sa nasabing schooling ng mga police officer may mga tinatawag na Top Three sa kanilang klase.
Ang Top Three ay sina SPO2 Froilan Tolentino ng Nueva Ecija Provincial Police Office ang number one, pangalawa si SPO3 Benjamin Gallano ng Regional Police Community Relations Office (RPCRO) 3 at si SPO3 Joey Agumboy nakatalaga sa Deputy Regional Director for Administration Office (DRDA) ang pangatlo.
Nagtiyagang mag-schooling ang mga SPO2s at SPO3s para sa kanilang promotion.
Congratulations sa inyong mga nagsipagtapos lalo na kina Gallano at Agumboy. Mabuhay po kayo.