Thursday, November 08, 2007 Sapnu: Nagsipag-loan sa Safe Pawnshop & Money Changer, umiiyak na? By Ric Sapnu DATELINE: Olivas
DAHIL nakikita nilang masyado na silang naaagrayado sa kanilang ni-loan sa Safe Pawnshop & Money Change (SPMC), minabuti ng mga naging biktima nito na ibulgar sa Dateline.
Sabi ng mga naging biktima ng SPMC, umaabot silang mahigit sa 300 na non-commissioned police officer at non-uniformed personnel ang nasipag-loan noon pang nakaraang taon.
Hinikayat umano sila na mangutang sa sinabing lending establishment at sa isang pagpupulong ipinrisinta ng SPMC official na mababa lamang ang porsiento ng interest ng kanilang inutang na halaga.
Sang-ayon sa mga naging biktima, dahil kailangan namin iyong pera noon, sabi nga nila kapit sa patalim ay nag-loan kami sa SPMC sa buong pag-aakala na maliit lamang ang porsiento ng interest na kukunin ng huli.
Nguni’t habang tumatagal ang pagkaltas nila sa aming principal loan, napuna namin na mas malaki ang ginagawa nilang kaltas sa interest kaya ang principal loan namin ay halos hindi nababawas.
Isang pulis na nag-loan ng P20,000 ang nagpakita ng kanyang resibo mula SPMC sa Dateline, kung saan mas malaki ang kaltas sa interest kumpara sa principal loan.
Sa kanyang resibo, mula July 2006, ang ginagawang kaltas ng SPMC ay P600 sa interest at P250 naman ang kaltas sa principal. Ang ibig sabihin nito tuwing 15-30 ganito ng ganito ang ginagawang pagkaltas ng SPMC sa mga nagsipag-loan sa kanila.
Mula July 2006, hanggang October 11, ang ipinakita ng pulis na resibo sa Inyong Lingkod at laking gulat ng Dateline, sa loob ng 15 buwan na ginagawang pagkaltas sa kanyang principal loan na P20,000, umaabot pa ngayon sa P12,750 ang kanyang utang.
Di ba po ba sobra ang ginagawang tila pagsasamantala ng SPMC sa ating mga kawawang mga pulis at sibilyan na nagsipag-loan. Oo nga hindi sila pinilit na mag-loan nguni’t dahil sa magandang paliwanag ng SPMC at sa tawag ng pangangailangan nakumbinse ang mga ito magsipag-loan.
Kung inyo pong kukuwentahin ang kinakaltas na interest sa nasabing pulis, ang P600 (interest) 15/30 ay aabot ng P18,000. At kapag susumahin mo ang kaltas sa principal loan na P250.00 15/30, aabot lamang sa P7,500.00.
Yes, P7,500. Ito lang po ang napupunta sa Principal Loan at ang malaki ay ang interest na P18,000.
Biro mo sa loob ng 15 buwan, ang utang pang babayaran ng biktimang Pulis ay aabot pa sa P12,500.00.
Ang tanong po dito, ilan buwan o ilan taon pa niyang babayaran ang P12,500.00. Nagtatanong lang po ang Pulis sa inyong mga opisyales.
Iyong iba pong nagsipag-loan sa SPMC na taga Cabanatuan City ay nagulat din sa nasabing lending establishment na mukha daw masyado silang naagrabiyado dahil sa laki ng “interest” na kinukuha sa kanila.
Dahil sa pagdaan ng mga quarry trucks, mga kalsada sira-sira na
Dapat na sigurong limitahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang “weight capacity” ng mga quarry trucks na dumadaan sa ating national highway.
Halos ang kahabaan ng McArthur Highway mula sa Barangay Telebastagan hanggang Barangay Saguin, kapwa sa City of San Fernando, ay grabe na po ang lubak o pagkasira ng ating kalsada dahil sa pagdaan ng mga naghahakot ng buhangin.
Ang mga quarry truck ay pawang lumalabag sa “weight capacity” na pina-iiral ng DPWH, nguni’t wala ni isang awtoridad na humuhuli sa mga drayber na abusado sa pagkarga ng buhangin na sobra sa timbang.
Kaya tuloy ang naturang kahabaan ng McArthur Highway ay hindi na po pantay-pantay ang kalsada dahil sa mga quarry truck na halos araw-araw dumadaan dito.
Maging iyong tinatawag nilang “Circumferential Road” ay nagkasira-sira na rin dahil sa pagdaan ng mga quarry truck. Iyon ngang isang tulay sa Circumferential Road ay nasira na ng mga quarry truck.
Kahit na may karatulang nagbabawal na dumaan ang mga quarry truck sa Circumferential Road patuloy pa rin ang mga ito sa pagdaan para bang hindi nila nakikita ang “heavy vehicles not allowed.”
Ito’y napatunayan ng Dateline nang minsan napadaan ito sa Circumferential Road kung saan hindi lang tatlo o limang quarry truck ang nakita ko na dumaan at hindi man lang pinagbawalan ng mga quarry checker.
Kung hindi po aaksyunan kaagad ng kinauukulan ito, baka hindi magtatagal masisira ang ating mga kalsada. Aksyunan po naman ninyo. Huwag po kayong natutulog sa pansitan.
*****
Ang sikat na Cely’s Carinderia na nasa Lazatin Boulevard ay magbubukas na naman ng isang branch sa Barangay San Isidro.
Iyong dating MK2 na ilang buwan na rin nagsara ay nakuha ng Cely’s Carinderia at ito’y magbubukas sa Biyernes (November 9).
Sang-ayon kay Archie Soriano, anak ng may-ari ng Cely’s Carinderia, kaya raw sila nagbukas ng isa pang branch sa kahabaan ng McArthur Highway ay upang iyong kanilang mga kustomer na malapit sa Barangay San Isidro hindi na dadayo pa sa Lazatin Boulevard.
Ang Cely’s Carinderia ay nagsimula noong l980s na isang maliit na puwesto sa Nepo Mart, ayon kay Soriano.
Maraming kustomer ang Cely’s dahil sa masarap na ang kanilang pagkain ay mura pa.