Thursday, December 27, 2007 Sapnu: Malalakas na uri ng paputok pinagbabawal By Ric Sapnu Dateline
MARIING binalaan ni Chief Superintendent Errol T. Pan ang mga kababayan natin na sila'y huhulihin kapag nahulihan ng mga paputok na pinagbabawal ng pulis.
Ang mga klase ng paputok na mahigpit na pinagbabawal ng pulis ay ang Bawang, Super Lolo, Sawa, Pla-Pla, Five Star at iba pang uri ng malalakas na paputok.
Sang-ayon kay Pan, magpapaikot ito ng mga Philippine National Police (PNP) Mobile Patrol sa lahat ng dako ng mga lalawigan at lungsod sa Gitnang Luzon upang i-monitor ang mga kababayan natin na gumagamit o nagpapatutok ng ganitong uri ng mga firecrackers.
Kanya ring binalaan ang mga nagtitinda ng mga firecracker sa Central Luzon na kanyang (Pan) ipakukumpiska ang nasabing mga malalakas na paputok kapag magpilit ang mga ito na itinda.
Ang mga owner ng firecracker store ay kanyang kakasuhan sa korte kapag lumabag sa pagtitinda sa malalakas na paputok, ayon pa kay Pan.
Tuwing sumasapit sa pagsalubong sa Bagong Taon, maraming mga kababayan natin ang naaaksidente kagaya ng naputulan ng daliri, kamay, o nabulag dahil sa paggamit ng malakas na paputok.
Kung minsan bisperas pa lamang ng Bagong Taon marami nang naiuulat na naputukan at naputulan ng kanilang daliri dahil sa pagpapaputok ng Pla-Pla o Super Lolo.
Sang-ayon kay Pan, upang maiwasan ang ganitong insidente o sakuna wala naman masama kung huwag nang magpaputok kahit anong uri ng firecracker.
Puwede naman gumamit na lamang ng tambol o torotot sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Hindi naman kailangan na bumili pa ng mga paputok upang gawin pagsalubong sa Bagong Taon.
Binalaan din ni Pan, ang lahat ng PNP personnel sa Central Luzon na huwag gamitin ang kanilang isyung baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang nasabing "order" ay mula kay PNP Chief Avelino Razon na kung saan mahigpit nitong pinagbabawal ang lahat ng PNP personnel na gamitin ang kanilang issued firearms sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Tuwing Bagong Taon mayroong mga kababayan natin ang naiuulat na namatay o nasugtan dahil sa ligaw na bala ng baril at karamihan ng mga nagging biktima nito ay hindi malaman kung saan nanggaling at kanino ang baril na ginamit.
Kaya ang payo ni Pan, sa mga PNP personnel at gun holder na huwag na huwag gamitin o paputukin ang kanilang mga baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
City of San Fernando Police hepe bago na?
Kamakailan, pinalitan na si Superintendent Audie Atienza, hepe ng City of San Fernando Police at si Superintendent Walter Castillejos ang officer-in-charge pansamantala.
Si Castillejos ang deputy ni Atienza kaya ang pansamantalang itinalagang officer-in-charge ng City of San Fernando Police Station.
Limang kontender superintendent ang kasama sa listahan na puwedeng piliin ni City Mayor Oscar Rodriguez.
Ang mga ito ay sina Rolly Mendoza, Greg Lim, Renato Soria, Melchor Reyes at Castillejos.
Si Mendoza ay kasalukuyang hepe ng Porac, si Lim ay chief ng Intelligence and Investigation branch ng Pampanga police, si Soria ay hepe ng Apalit at si Reyes ay deputy provincial director for operations ng Pampanga police.
Sa limang nasabing listahan, si Castillejos ang lamang sa kanila dahil itinalaga na itong OIC nguni't huwag siyang pasisiguro baka biglang may lumusot pang iba pang Superintendent.
Hanggang ngayon wala pa umanong napipili si mayor na maging next hepe nito.