Monday, February 04, 2008 Sapnu: Task Group 'Catch You' By Ric Sapnu DATELINE
ANG Task Group "Catch You" ay ang bilang tugon sa di-umano sunod-sunod na mga insidente ng karnaping sa City of San Fernando.
Itong grupo na ito ay binuo ni Senior Superintendent Keith Ernald Singian, Pampanga provincial police director, upang madaliang masugpo ang nasabing insidente ng karnaping sa lungsod.
Ang pagbuo ni Singian ng Task Group ay dahil na rin sa dalawang sunod na pagnanakaw ng dalawang Mitsubishi Pajero sa lungsod noong nakaraang buwan.
Matatandaan na noong Enero 13, isang Mitsubishi Pajero Model 2005 na may plakang XTF-928 na pag-aari ni Lilian Basilio ang kinarnap sa harap ng isang bangko sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Dolores, City of San Fernando. Ang nasabing pinangyarihan ng karnaping ay ilang metro lamang ang layo nito sa Dolores Police Compac 2.
Enero 25, ang Mitsubishi Pajero 2003 model (SMB-623) na pag-aaari ni Rolando Cortez ang tinarget ng mga karnaper. Ipinarada ni Cortez ang kanyang Pajero sa harap ng San Fernandino Hospital sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Dolores.
Makaraang napaulat ang sunod-sunod ang insidente ng karnaping sa lungsod, kaagad naman umaksyon si Singian at ito nga binuo niya ang nasabing Task Group.
Ang nasabing grupo ng pulis ay pinamumunuhan ni Superintendent Gregorio Lim, chief ng Intelligence Branch ng Pampanga provincial police, ayon kay Singian.
Sinabi ni Singian na binigyan niya ng dalawang lingo ang task group upang hanapin o kilalalin ang grupo ng mga karnaper na dumayo sa lungsod.
Inatasan din ni provincial director ang lahat ng mga chief of police ng Pampanga na pa-igtingin ang kanilang kampanya ng karnaping sa kani-kanilang area of responsibility.
Sa kasalukuyan mayroon nang dalawang linggo na walang insidente ng karnaping sa City of San Fernando, ito'y dahil sa task group at ang 24-hour pagpatrolya ng mga PNP Mobile patrol, ayon pa kay Singian.
Bukod sa mga PNP Mobile patrol, tuwing gabi mayroon mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa iba't ibang lugar sa lungsod upang matiyak na walang lulusot na mga masasamang elemento.
Sabi ng isang police officer sa Dateline, kung tutuusin trabaho ng Traffic Management Group (TMG) ang mga insidente ng karnaping at ang local na pulis ay sumusuporta lamang ito.
Ang trabaho ng TMG ay mangasiwa ng trapik, habulin ang mga hijacker, karnaper at carjacker.
Bakit kaya sa mga sunod-sunod na insidente ng karnaping sa City of San Fernando ay walang naging aksyon ang Traffic Management Group (TMG) na nakabase sa Camp Olivas? Yan po ang katanungan ng taong bayan sa inyo.
Trapik sa JASA lumala?
Mula nang binuksan ang City Central Terminal ay lalong naging grabe ang daloy ng trapiko sa Jose Abad Santos Avenue (dating Gapan-San Fernando-Olongapo road).
Ito po ang sinabi ng mga drayber sa Dateline, sila mismo ay naantala sa pag-uwi sa kani-kanilang bahay dahil lamang umano sa lumalalang grabeng sitwasyon ng trapik sa kahabaan ng JASA.
Dati raw sa intersection ng Magdalena at Lazatin Boulevard nagkakaroon ng mahabang pila ng mga sasakyan ay iyong galing ng Maynila papuntang Olongapo City o Bataan.
Nguni't ngayon nandiyan na ang City Central Terminal, iyong nasabing intersection naging "Monstrous" ang trapik. Hindi lamang patungong Olongapo, maging iyong patungong kabayanan, papuntang Angeles City at patungong pa-Maynila.
Ang nagiging dahilan ng grabeng trapik lalo na sa "rush hour" ng pag-uwi at pagpasok sa mga tanggapan ay iyong mga pampasaherong bus, mini-bus at jeep na pumapasok sa City Central Terminal.
Ang mga pampasaherong bus patungong Olongapo City o Bataan ang malaking dahilan ng grabeng trapik dahil sa pagpasok nila sa Terminal ay kakaliwa pa sila kung saan ang mga nasa likuran nito ay hindi na makausad.
Ang daming mga Traffic Enforcer ang ikinalat ng City Government nguni't mukhang wala silang magawa sa grabeng trapik tuwing rush hour.
Promoted (from PO2 to PO3) sa PRO3
Matandaan noong nakaraang buwan umaabot sa 1,432 ang mga na-promote na PNP personnel na nakatalaga sa mga provincial, city at municipal police offices sa rehiyon.
Kabilang din sa mga na-promote from PO2 to PO3 ang ilan kaibigan ng Dateline na nakatalaga sa PRO3 headquarters sa Camp Olivas.
Kabilang sa mga na-promote mula PO2 to PO3 ay sina Thom Agustin, Aileen Balisi, Percival Danganan, Alvin Delos Reyes, Dexter Dollente, Liza Gamboa, Robert Gozun, Ann Agustin, Cherry Tirasol at marami pang iba.