Thursday, February 21, 2008 Sapnu: Examination fee sa Napolcom tumaas? By Ric Sapnu DATELINE: Olivas
MARAMI ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang dumulog sa Dateline upang iparating ang kanilang karaingan ukol sa pinaiiral na mataas na singil sa mga examination ng National Police Commission (Napolcom).
Ang entrance examination ay pumapalo na ngayon sa P350 na kung saan noong nakaraang taon ay P250 lamang ang fee dito, ayon sa kanila.
Ang nagsusulit sa entrance exam ay iyong mga sibilyan na gustong pumasok sa PNP.
Ang pagsusulit sa Napolcom ay isang mahalagang "requirement" sa mga gustong pumasok sa PNP.
Lalo na ang pagsusulit sa "promotional examination" mula Police Office 1 hanggang Police Office 3, Inspector, Senior Police Officer (SPO) at Superintendent.
Samantanlang ang bayad sa tinatawag nilang PO examination ay umaabot sa P400 na dati ay P250 lamang.
Sa Inspector examination ay umaabot na sa P500 at ang Superintendent ay P600.
Sang-ayon sa mga nakausap ng inyong lingkod biglaan daw ang ginawang pagtaas ng "fee" ng mga Napolcom examination.
"Walang ibinigay na abiso o pasabi sa amin (PNP personnel) ang mga opisyales ng Napolcom at nagulat kami ng kukuha sana kami ng Promotional Exam ay biglang tumaas ang singil nila."
"Sana naman bago nagtaas ng singil sa mga examination ang Napolcom ay ipinaalam muna sa amin (PNP personnel)."
Sang-ayon pa sa kanila, bukod sa Promotional Examination Fee, mataas din ang singil ng Napolcom sa authentication na umaabot sa P25 per page.
Ang ibig sabihin nito, kada pahina na pina-authenticate ng mga police officer para sa next rank ay ganito ang halaga ang kanilang dapat bayaran para lamang sa kanilang kumpirmasyon.
Sabi nga nila sa inyong lingkod, kapag nagpapa-authenticate kami hindi lamang dalawang folder kung minsan umaabot pa sa tatlo hanggang apat na folder ang daladala namin sa Napolcom office.
Kaya kung minsan kung magbayad kami para lamang sa authentication ay umaabot sa P300 hanggang P500.
Hindi naman isang ahensiya ng Income Generating Agency, bakit tinataas nila ang singil sa mga examination ng Napolcom.
Nagtatanong lang po ang mga PNP personnel sa inyo.
Gusto nilang malaman kung bakit tumataas ang singil ninyo sa mga examination sa inyong ahensiya.
Ang pagkaalam namin po, ayon sa kanila, ang income generating na ahensiya ng pamahalaan ay ang Civil Service Commission (CSC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Office (LTO) at iba.
Ang Napolcom ay hindi kasama sa income generating agency, ayon pa sa kanila.
Napolcom authorities sana masagot ninyo ang karaingan ng mga PNP personnel ukol sa promotional examination ninyo.
Tatlong quarry truck ng isang opisyales
Sang-ayon sa Intelligence Officer (IO) ng Dateline, wala pang isang taon mayroon na raw tatlong truck ang isang opisyales na nasa Kapitolyo.
Ang tatlong truck na ito nabili na umano ng opisyales na ito mula nang siya ay naupo sa isang puwesto sa Kapitolyo.
Ang kanyang quarry truck ay naghahakot ng buhangin sa Barangay Suklaban, Mexico.
Ang hindi malaman ng IO, kung ilan buwan na naghahakot ng buhangin sa Mexico at kung saan nito binebenta.
Nguni't kung susumain ang kita ng bawat isang truck ito sa loob ng isang araw sa isang biyahe maaari itong kumita ng P4,000 hanggang P6,000 depende kung saan nito ibebenta, ayon sa IO.
Kung dalawang beses makabiyahe ang isang truck sa loob ng isang araw ay kikita ito ng malaki.
Kaya sabi ng IO, hindi biro ang kinikita ng opisyal na ito sa kanyang tatlong truck.
Baka sa loob ng isang taon ay maging multi-millionaire na ito sa kanyang tatlong quarry truck, ayon sa IO.
Sana maimbestigahan ni Governor Panlilio kung sino ang nasabing opisyales na ito kung talagang kanya ang nasabing tatlong truck.
Dapat din paimbestiga ni Governor kung ang tatlong truck na ito ay nagbabayad ng quarry tax na P300 sa Kapitolyo.
Kaya pala bumababa ang collection sa quarry fee sa lalawigan dahil mayroon pala mga tao sa Kapitolyo na sila mismo ang kasama sa quarry operation? Nagtatanong lang po ang taong bayan sa inyo.
* * * * *
Binabati ng Dateline ang aking inaanak na si Ma. Clarisssa Bernardo, anak ni SPO3 Larry Bernardo na nakatalaga sa Regional Police Community Relations Office (RPCRO) sa Camp Olivas.
Si Clarissa ay nagwagi sa ginanap na Department of Education (DepEd) "Kaganapan 2008" Public and Private School Mathematic Challenge na nilahukan ng lahat ng mga elementary school sa Division ng City of San Fernando na ginanap kamakailan sa Sindalan Elementary School sa pangunguna ni Rosy Laus sa kanilang gabay at suporta sa bata.