Monday, May 05, 2008 Sapnu: 72-oras na ultimatum kay Soria? By Ric Sapnu Dateline: Olivas
DAHIL sa mga sunod-sunod ng mga insidente ng hold-up, robbery with rape, carnapping at ang huli ang bank robbery, binigyan ng ultimatum na 72-oras si Superintendent Renato Soria, chief of police ng City of San Fernando na maresolba ito.
Sinabi ni Senior Superintendent Keith Ernald Singian, Pampanga provincial police director, na kapag hindi naresolba ni Soria ang mga sunod-sunod na crime incidents sa kanyang area of responbility, kanyang sisibakin ito sa kanyang puwesto, partikular na ang naganap na bank robbery sa Bank of Porac sa Barangay Dolores.
Mayroon nang go-signal si Chief Superintendent Errol Pan, Police Regional Office (PRO) 3 director sa gagawing pagsibak kay Soria kung hindi nito maresolba ang nasabing mga crime incident, ito ang napag-alaman ng Dateline.
Binigyan ng ultimatum si Soria ni Singian dahil sa pangloloob sa Bank of Porac noong nakaraang Miyerkules ng umaga at pagkaraan ng nasabing insidende kaagad binigyan ng 72-oras na ultimatum si Soria na kailangang mahuli nito ang mga robber.
Tatlong armado na di-kilalang lalaki ang pumasok sa Bank of Porac branch sa Dolores na kung saan ilang metro lamang layo nito sa Dolores PNP Compac, nang dakong 11:03 ng umaga.
Umabot lamang sa apat na minuto ang nasabing insidente at mahigit sa P200,000 ang natangay ng mga robber na hindi man lamang namalayan ng mga PNP personnel sa Dolores PNP Compac.
Nakatakas kaagad ang mga suspek na nakasuot ng baseball cap na naglakad lamang palabas ng bangko dahil ang mga empleado at isang security guard nito ay ipinasok sa bank vault.
At dahil nakunan ng camera ang isa sa mga suspek na nakilalang si John Stevenson ng Cabambangan, Bacolor, Pampanga sa pamamagitan ng police rouge gallery, inilunsad kaagad ng Pampanga police ang manhunt operation laban sa kanya.
Sa salaysay ng isang empleada ng nasabing bangko, nagawa pa nitong pindutin ang kanilang alarma ngunit sa hindi malamang kadahilan kung bakit hindi narinig ng mga tauhan ng PNP Dolores Compac ang alarma. Nagtatanong lang po ang taong bayan.
Sabi nga isang nagbigay ng reaksyon sa Dateline (ayaw magpabanggit ng pangalan), baka walang pulis nang oras na iyon sa PNP Dolores Compac dahil malapit ng tanghalian at kumakain na umano ang mga ito?
Sang-ayon sa police officer dapat umano nang mangyari na ang robbery with rape sa Villa Corazon sa San Agustin na kung saan isang pamilya ng City Councilor pa ang naging biktima, dapat na sana umanong binigyan ng
ultimatum si Soria ni Chief Superintendent Pan.
Itinuturing na isang "heinous crime" ang naganap noon sa Villa Corazon at kung tutuusin nasama na si Soria sa "One Strike Policy" ng PNP.
Ang "One Strike Policy" ng PNP ay kabilang ang insidente ng bank robbery at heinous crime.
Sabi ng police officer, tingnan mo ang nangyari sa Bustos police chief, siya ay ni-relieve kaagad ni Pan sa kanyang puwesto dahil sa nangyaring bank robbery kamakailan sa kanyang AOR.
Sana daw ganito na rin ang ginawa ni Chief Superintendent Pan kay Soria, dahil kasama sa "one strike policy" ang nangyaring bank robbery sa kanyang AOR.
Bakit binigyan pa umano siya ng 72-hour na ultimatum, bakit si Senior Inspector Alfonso Cruz ng hepe ng Bustos police station ay agarang sinibak at hindi man lang binigyan ng ultimatum? Nagtatanong lang po.
Mga bagong Patrol cars kinumpuni?
Isang malaking palaisipan sa mga police officer at mga reporter kung bakit binawi o ni-recall ni Angeles City mayor Francis "Blueboy" Nepomuceno ang ibinigay nitong mga patrol car sa kanyang Kapulisyan.
Sa pahayag nito kay Rey Navales, reporter ng pahayagang ito, hindi umano nito ni-recall ang apat na Toyota Vios at dalawang Toyota Innova at tatlong motorcycle makaraang sinibak ni Chief Superintendent Pan si Senior Superintendent George Gaddi, Angeles City police director.
Kanya lamang inilagay sa "under maintenance" sa city government's motor pool, pahayag pa niya kay Navales.
Ang mga bagong ni-recall na mga behikulo ay kinakailangan umanong ma-check dahil umabot na sa 5,000 kilometers break-in.
Nitong nakaraang araw, matapos mag-courtesy call si Angeles City police OIC Superintendent Edilberto Castillo kay Nepomuceno, kanyang ibinalik muli ang nasabing binawi nitong mga patrol vehicle.
Binanggit ni mayor sa kanyang memorandum na may petsang Abril 24, ang mga nasabing binawing mga patrol vehicle at motorcycle ay kinakailangan umanong mainbentaryo at mamentine upang matiyak na ang mga ito ay nasa running condition "during their break-in period."
Sang-ayon sa mga nakausap ng mga police officer ng Dateline, hindi na umano kinakailangan ma-break in ang mga bagong behikulo hindi kagaya noong araw ang lahat ng mga bagong biling sasakyan ay bini-break-in muna.
Kamaikailan hiniling ni mayor na ibalik si Gaddi sa Angeles City police nguni't hindi ito binigyang pabor ni Pan dahil sa maraming kadahilanan.
Napag-alaman ng Dateline na kasalukuyang iniimbestigahan ng Task Force Lake Tahoe sa pamumuno ni Senior Superintendent Silvestre Primero ang raid sa STL outlet sa Lourdes Northwest ng Angeles City makaraang tinamaan ng bala ang isang buntis na empleyada doon.