Monday, May 12, 2008 Dateline: Olivas By Ric Sapnu COP ng Lungsod sino ang pipiliin ni Mayor Rodriguez
LIMANG Police Superintendents ang isinumite ni Senior Superintendent Keith Ernald Singian, Pampanga provincial police director, kay City Mayor Oscar Rodriguez noong nakaraang Martes upang mamili ito kung sino ang kanyang nais o gustong maging next chief of police (COP) ng lungsod.
Ito'y matapos ni-relieve ni Singian si Superintendent Renato Soria, dating hepe ng lungsod dahil sa "one strike policy" ng Philippine National Police (PNP).
Na-relieve si Soria dahil hindi nito naaresto o naresolba ang nangyaring bank robbery sa Porac Bank sa kahabaan ng Mac Arthur highway, Barangay Dolores, na kung saan umaabot sa P200,000 ang natangay ng tatlong suspek.
Binigyan pa ng 72-hour ultimatum ni Singian si Soria upang hulihin ang mga robber nguni't siya'y nabigo kaya natuluyan itong nasibak sa kanyang puwesto.
At dahil biglaan ang ginawang pag-relieve kay Soria, pansamantalang inilagay ni Singian si Superintendent Henry Flores na officer-in-charge (OIC) ng City Police.
Dapat sana ang OIC ay si Superintendent Felixberto Lagman, deputy city police, ngunit siya'y naaksidente sa paghabol nito sa isang nakasakay sa walang plaka.
Ipinahayag ni Singian sa Dateline na nagsumite na ito ng limang listahan ng Police Superintendents kay Mayor Rodriguez at hinihintay na lamang niya kung sino ang kanyang napipiling next COP.
Kabilang sa mga listahan na ipinadala kay Mayor ay sina Superintendents Benjamin Medina, deputy provincial director for administration; Elvis Diaz, deputy provincial director for operations; Rolly Mendoza, kasalukyang hepe ng Porac Police; Homer Penecilla, hepe ng Apalit Police; at Gregorio Lim, chief ng provincial police intelligence.
Nang kapanayanin ng Inyong Lingkod si Singian kung sino ang napili ni Mayor sa mga nirekomenda nitong maging COP, ang sabi niya wala pa umano napipili ang alkalde.
Ang sabi pa niya (Singian), kung walang mapili si Mayor sa kanyang ipinadalang limang Superintendents, magsusumite muli ito ng panibagong limang pangalan ng mga Superintendent.
At kung wala pa rin mapili umano si Mayor, ang mangyayari ang National Police Commission (Napolcom) ang maglalagay ng OIC sa City of San Fernando Police.
Sang-ayon sa Intelligence Officer (IO) ng Dateline, mayroon umanong napipisil si Mayor na maging next COP nito kaya hanggang ngayon wala pa itong pinipili sa ipinadalang limang listahan ng mga Superintendent.
Sa ngayon hangga't wala pang napipiling Superintendent si Mayor, si Flores ang pansamantalang OIC. Nguni't paggaling ni Lagman siya ang magiging OIC ng City Police Station.
Kailan kaya makakapili si Mayor ng kanyang next COP?
Sang-ayon sa isang police officer na nakausap ng IO, marami pa umanong mga Superintendent ang nagpapalakad at naghahanap ng malakas na "backer" na hindi matanggihan ni Mayor upang makuha ang nasabing magandang police station.
Ang sabi nga ng police officer, kung gusto mo makapuwesto kinakailangan maglakad, maghanap ng "backer" at dapat malakas ka sa Regional Director.
*****
Mga pinaghuhukay ng City of San Fernando Water District
Noong nakaraang buwan, sinimulan ng City of San Fernando Water District (CSFWD) ang paghuhukay sa iba't ibang lugar sa lungsod.
Siyempre, pinakontrata ng CSFWD ang nasabing "rehabilitation" na pinagagawa ng tanggapan at sa kasalukuyang puro hukay ang makikita mo sa bawa't kalsada sa Poblacion.
Hanggang ngayon mayroon pang ginagawang paghuhukay sa kahabaan ng Consuji Street at kung minsan nagiging sanhi pa ng pagbagal ng daloy ng trapiko.
Ang mga hinukay ng mga kalsada ng kontratista ng CSFWD ay tinambakan lamang ng bato at buhangin at hindi sinimento ang mga ito.
Malapit na ang tag-ulan, kapag hindi nasimentuhan ang mga hinukay ng kontratista ng Water District ay tiyak "washed out" ang tinambak ng mga ito na buhangin at bato.
Nagtatanong lang po ang ating kababayan kung ang nasabing paghuhukay sa gilid ng ilang kalye ng mga kalsada kung mayroon ba itong permiso sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasi, ayon sa kanila, e sinira ng Water District ang magandang kalsada.
Dapat na sabihan ng CSFWD authorities ang kanilang kontratista na ibalik o isaayos ang lahat ng mga nahukay. Naghahantay po ang mga kababayan natin na maiayos ito sa madaling panahon.