Monday, June 30, 2008 Sapnu: Sinusubukan yata si Supt. Medina? By Ric Sapnu Dateline: Olivas
MUKHA yatang sinusubukan ng mga holdupper riding on tandem ang bagong hepe ng City of San Fernando Police Station.
Ito'y makaraang, holdapin at barilin ng apat na gunmen sakay ng dalawang motorsiklo ang dalawang negosyanteng sina Hilario Quiambao, 47, ng Barangay Dolores, Minalin at ang kapatid nitong si Marcial, 50, ng Madapdap Resettlement sa City of San Fernando.
Ang dalawa ay katatapos pa lamang mag-withdraw ng halagang P1.7 milyon sa Bank of Philippine Island (BPI) sa kahabaan ng McArthur highway sa Barangay Dolores.
Nasa tapat ng BPI ang Kia pride car (CTH-440) ng dalawa kaya nang makasakay ang mga ito, biglang sumulpot ang mga suspek at ipinahayag ang holdap ito.
Dahil ayaw ibigay ng mga biktima ang nasabing cash na nakalagay sa BPI bag, binasag ng mga suspek ang bintana ng kanilang kotse at sabay silang pinagbabaril. Pagkatapos kinuha ng isa sa apat na suspek ang bag at sabay sibat ang mga ito sakay ng dalawang motorsiklo.
Sina PO1 Mark Anthony La Torrre at PO1 Aries Dichoso, kapwa miyembro ng Community Police Center (Compac) 2 na nakatalaga malapit sa lugar ng insidente ay nagresponde kaagad nang marinig ang sunod-sunod na putok.
Nguni't sila'y sinalubong din ng putok kaya si Dichoso ay tinamaan sa paa samantalang si La Torre na akmang magpapatutok, isang van ang biglang humarang at hindi na nito nakuhang iputok ang kanyang M-16 rifle baka mayroong tamaan na sibilyan.
Nagresponde kaagad ang Compac 2 police sa pamumuno ni Supt. Felixberto Lagman sakay ng PNP Mobile car nguni't nang malapit na ang mga ito at habulin nila ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo, bigla rin silang pinaputukan kaya tinamaan ang rear window ng kotse. Maswerte nga sila walang tinamaan sa kanila.
Mayroon palang back-up ang mga holdupper na sakay umano ng isang XLT jeep kaya hindi akalain ng mga nagresponde na may magpapaputok sa kanila.
Hinabol pa rin ng mga pulis ang mga motorcycle riding gunmen hanggang umabot ang mga ito sa Greenville subdivision sa Barangay San Jose ng lungsod. At dito dumating ang Pampanga Special Action Force upang ikordon ang area.
Umabot ng isang oras ay hindi na rin nila nakita ang mga suspek at mukha yatang mayroon silang pinagtaguan na bahay doon. Maging ang gamit ng mga suspek na dalawang motorsiklo ay parang bula ring nawala.
Sang-ayon kay Supt. Benjamin Medina, hepe ng City of San Fernando police station, ang dalawang biktima at si Dichoso ay dinala sa San Fernandino Hospital.
Sabi ng isang police officer sa Dateline, mukha yatang sinusubukan ng mga holdupper si Medina na mahigit na isang buwan pa lamang nakakaupo sa kanyang puwesto.
Sabi pa ng police officer, kinakailangan pa ni Medina ang double campaign against motorcycle riding in tandem dahil malimit ang mga ito ang ugat ng mga krimen sa lungsod.
Kinakailangan, kung magagawa ng ating Kapulisan, ay araw-araw magsagawa ng checkpoint sa mga motorcycle riding unidentified men at kung maaari sa iba't ibang area dahil ang mga kriminal ay naka-monitor din sa Kapulisan. Di po ba?
Sang-ayon pa sa police officer, kinakailangang maglagay ng mga pulis sa may kanto ng St. Jude Village malapit sa gas station at malapit sa Dolores Church upang kung mayroon mangyayaring holdap ay makokorner kaagad ang mga suspek.
Kinakailangan din maglagay ng ilang mga PNP personnel upang magsagawa ng foot patrol sa nasabing commercial area dahil ito ang paboritong target ng mga holdupper.
Isang malaking hamon kay Supt. Medina ang nangyaring holdap noong Huwebes ng umaga at mukhang sinusubukan ng mga holdaper ang kakayahan ni hepe.
Water District ng City of San Fernando
Ilan sa mga pinaghuhukay ng kontratista ng CSF water district ay nasimentuhan na rin.
Nguni't hindi lahat ng mga hinukay ng kalsada ng CSF contractor ay nasa-ayos na nila dahil marami pa rin hindi nila nasasamentuhan.
Katulad lamang sa may Tiomico at Consuji Street sa loob ng poblasyon ng lungsod, ang haba pa ng mga hinukay sa gilid ng kalsada ang hindi pa nasasayos hanggang ngayon.
Kaya kapag umulan ang mga nahukay na kalsada ay nagmumukhang kanl dahil sa itinambak ng kontratista na buhangin at lupa.
Ang ginawang pagsimento ay wala sa ayos, ayon sa isang engineer na nagbigay ng pahayag. Ang sabi niya mukhang manipis ang ginawang pagsesemento at kulang sa graba.
Siguro dapat inspeksyonin ng kinauukulan kagaya ng regional Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng paraan ng City Government kung bakit ganoon na lamang ang ginawang pagsimento sa nasabing pinaghuhukay ng kontratista ng water district.