Wednesday, July 02, 2008 Speak-out: Don't just read it, understand it
HINDI lang pala sa Edsa ipinagsisigawan ang "truth" pati pala rito sa Pampanga kaso nga lang pumunta pa ng Metro Manila para maraming media.
Ang tinutukoy ko po ay ang naging lakad ng Pampanga Mayors' League (PML) sa Metro Manila na naging dahilan ng paglitaw ng kanilang mga larawan sa mga pahayagan. At ang hindi matapos-tapos na talakayan sa RW 95.1 FM.
Malamang nabasa na ng karamihan sa mga miyembro ng PML ang isyu ng Sun.Star Pampanga noong ika-30 ng Hunyo 2008, Lunes, Vol. 13 No. 122, Editorial Page-Mayors' Truth. Kaugnay nito ang sinabing "plain truth."
Siguro nabasa na nga nila ang Republic Act (RA) 7160 Sec. 17 ng Local Government Code Of 1991, pero hanggang doon lang ba, basa.
Nakasaad doon ang napakaraming gawain ng town chief executive sa kani-kanilang nasasakupan. Sa amin nga isa, dalawa, pero hindi man umabot sa kalahati ng nakasaad doon ang nagawa ng aming mga tagapamahala. Hindi ko naman sinasabi na dapat ay gawin nilang lahat iyon maging "critical thinker" man lamang sila sa mga nakikita at nangyayari.
Nang aking makita ang larawan ng aming kagalang-galang na alkalde, kasama ng iba pa sa isyu ng Sun.Star Pampanga noong ika-27 ng Hunyo 2008, Biyernes, Vol. 13 No. 119, nakikiisa ito sa pahayag ng PML tungkol raw sa "autocratic style of governance" ni Gov. Eddie Panlilio. Sa bagay hindi ko siya mapipigilan sa kanyang desisyon, pero may isinaalang-alang man lamang siya kahit papaano, pati na rin ang iba pa.
Masasabi kong tama ang magkaisa pero hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan magkaroon tayo ng paninindigan sa bawat desisyon na ating bibitawan. Naniniwala ako na ang namumuno ay siyang larawan ng kaniyang nasasakupan bagkus hindi na nagiging pamantayan ito sa ngayon dahilan ng iba't-ibang gawain ng mga namumuno. Ika nga kung anong puno ay siya ring bunga, ang mga miyembro ng PML ay puno ng mga bayan at lungsod rito sa Pampanga pero hindi sila katulad ng kanilang bawat bunga. Naisip man lang ba nila na dinadala nila ang pangalan ng kanilang bayan sa anumang gawain nila.
Sabi nga ni John F. Kennedy sa kanyang inaugural address dated Jan. 20, 1961: "And so, my fellow Americans: ask not what your country can do for you -- ask what you can do for your country. My fellow citizens of the world: ask not what America will do for you, but what together we can do for the freedom of man."
Pare-pareho po tayong citizen, elected official ka man o hindi maging responsable sana tayo sa ikabubuti ng nakakarami.
Paki-basa lang po ulit yung nasabing batas.
Kung maaari po sana maipaabot ito sa ating mga town chief executive, hindi ko lang po mapigilan na magkomento sa nangyayari, katulad ng nasabi kanina dala-dala nila ang pangalan kung saan ka nakatira.
Francis C. Briones
San Miguel, San Simon, Pampanga