Monday, July 21, 2008 Sapnu: 'Showdown' umano nina Panlilio at Guiao? By Ric Sapnu Dateline: Olivas
Ngayong araw (Lunes) gaganapin ang umano'y tinaguriang "Showdown" nina Gubernador Eddie Panlilio at ng kanyang Bise Gubernador na si Joseller "Yeng" Guiao.
Sa pamamagitan ng mga representante ng dalawa, nagkasundo na gagawin ang "Showdown" sa Bren Z. Guiao Convention Center sa Barangay Lourdes, City of San Fernando.
Ang nasabing "Showdown" ay gagawin sana sa Aquino Benigno Hall sa Capitol compound nguni't kung maraming dadalong kababayan natin na ibig makinig ay hindi sila magkakasya doon kaya nalipat ito sa Convention Center.
Ito ang napagkasunduan nina Archie Reyes, chief of staff ni Panlilio at Art Punzalan, chief of staff ni Guiao. Sa panig ni Panlilio, kinakailangang nandoon ang mga representante ng provincial capitol kagaya ng Finance, Budget at Personnel Departments, samantalang sa panig ni Guiao, kinakailangang dumalo ang tatlong representante ng Pampanga Mayors League (PML).
Kapwa din nakapagkansunduan ng dalawa na si John Susi, broadcaster ng CLTV 36, ang magiging "moderator" sa umano'y tinaguriang "Showdown" ng dalawang mataas na ama ng mga Kapampangan.
Maraming nagtatanong sa Inyong Lingkod kung ang nasabing umano'y "Showdown" ng dalawa opisyales ay magiging peaceful and orderly, kasi anila baka iyong mga supporter ng dalawa ay mapikong at gumawa ng gulo.
E di dapat, sabi ko sa kanila, kinakailangan pala na magpadala si Chief Supt. Errol T. Pan, Police Regional Office-3 (PRO3) ng mga PNP personnel sa Convention Center para matiyak na maging peaceful ang gaganaping "Showdown."
Ang dalawang opisyales ng kapitolyo ay kapwa tatalakayin ang kanilang akusasyon sa bawat isa.
Matatandaang nauna umanong nag-akusa si Gub Panlilio kay Guiao -- na marami pa umano itong ginugugol na oras sa pagko-coach sa basketball kaysa sa kanyang trabaho sa provincial capitol.
Ito ang ipinahayag ni Panlilio sa kanyang speech nung ipinagdiwang nito kamakailan ang kanyang One Year in Office sa kapitolyo. Marami itong inakuhan, maging ang mga Board Members.
At dahil dito, medyo na-igting umano si Guiao kaya hinamon niya si Panlilio na siya'y magbibitiw kung mapapatunayan nito na mayroon siyang (Guaio) "lapses" sa trabaho. At hinamon din niya si Panlilio na kung mayroon ding "lapses" sa kanyang trabaho ay magbitiw din ang gubernador. Alam ba ninyo ang sagot ni butihing gubernador? Ang pahayag niya, kung gustong magbitiw ni bise gubernador ay magibtiw siya.
Mula noon kung ano ano na ang mga binabato na akusasyon ng dalawa at maging iyong ibang mga supporter ni Panlilio noong panahon ng kanyang kampanya ay marami na ring inaakusa sa butihing gubernador.
Sa nasabing "Showdown" ang magiging "observers" ay mga representante ng Department of Interior and Local Government (DILG), Civil Service Commission (CSC) at Department of Budget and Management (DBM).
Inaasahan na dadagsa ang maraming kababayan natin lalo na iyong mayroong concern sa provincial capitol sa tinaguriang "Showdown Of The Year." Inaasahan din na maraming media outfit ang magkokober sa debate.
Iyon pong gustong manood sa tinagurian ng mga Kapampangan na umano'y "Showdown" ay magsisimula ng 2:00 ng hapon ngayon (Lunes).
Sabi nga ng mga matatanda, aba ngayon lamang nangyaring nagkaroon ng "Showdown" sa Pampanga. "First time in history ito sa Pampanga."
Ano na po kaya ang mangyayari sa umano'y tinaguriang "Showdown of the Year." Abangan...... may kasabihan: Ang pikon ay laging talo. Di po ba?
Mga patrol car at motorcycle nawawala?
Mukha yatang nawawala na sa kalsada ang mga PNP Mobile car at Motorcycle ng City of San Fernando Police.
Iilan na lamang ang mga tumatakbong mga mobile car ng CSFP police nguni't iyong mga motorcycle ay mukhang wala na yata talaga.
Noong panahon ni Reynaldo Aquino, dating alkalde, mahigit sa sampung bagong Mobile Car ang kanyang ibinigay sa CSFP police upang magamit ito sa pagpatrolya sa lungsod.
At sa kanyang "term" maganda ang naging maintenance ng nasabing mga Mobile Car at araw o gabi ay makikita mong nagpapatrolya sa lungsod.
Nang si Deputy Director Ismael Rafanan ang director ng Police Regional Office-3 (PRO3) namigay din siya ng mga motorcylce sa mga provincial police office sa rehiyon at ang CSFP ay nagkaroon ng lima nito.
E wala pang isang taon pero ang mga nasabing ibinigay na motorcycle sa CSFP ay mukhang wala nang tumatakbo. Ang dahilan siguro kulang ito sa maintenance.
Sa kasalukuyan, tatlo na lamang na Mobile Car ng CSFP ang tumatakbo at sa obserbasyon ng mga kababayan natin hindi na rin tatagal ang mga ito dahil wala umano itong maintenance.
Paano na kaya kapag nasira na ang mga ito, e baka wala ng magrerespondeng mga pulis ng CSFP sa mga crime incident.
Sa kabila nito, napag-alaman sa isang police officer ng CSFP na bibili umano si Mayor Oscar Rodriguez ng 10 Toyota Hi-Ace pick-up truck. Ang hindi lang sinabi ng police officer kung kailan ito ibibigay sa CSFP police station.
Ang tanong dito hanggang kailan kaya magagamit ang mga ito? Baka mapabayahan din ang maintenance ng mga nito. Nagtatanong lang po.