Thursday, August 28, 2008 Sapnu: Guiao at 10 board members lumagda na By Ric Sapnu DATELINE: Olivas
NOONG Martes, si Pampanga Vice Governor Joseller "Yeng" Guiao at 10 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ay lumagda sa recall petition forms upang isulong na ang recall move laban kay butihing Gubernador Ed Panlilio.
Ginawa ni Guiao at mga board member ang paglagda matapos ang dayalogo ng mga ito sa grupo ng Kambilan (Kapanalig at Kambilan ning Memalen Pampanga) na pinamumunuan ni dating board member Rosve Henson.
"Ako mismo ay binibigay ko ang buong suporta ko sa recall move na inilunsad ng Kambilan," pahayag ni Guiao.
Sinabi pa ni Guiao na siya at ang mga board member ay susuporta sa recall para sa benepisyo ng Pampanga.
Ipinahayag din ng 10 board members na 100 porsiyento din silang sumusuporta sa recall move laban kay Gob Panlilio.
Ang very vocal sa kanila na si Cris Garbo ng unang distrito ng Pampanga, ipinahayag nito na kaya nitong likupin ang 20,000 signatures sa kanyang lugar na nasasakupan.
Maging ang ibang board members ay ganoon din ang kanilang ipinahayag na makakakuha sila ng tig 5,000 hanggang 10,000 lagda sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang mga nagpahayag ng todo suporta sa recall move ay sina Board Members Tars Halili, Arthur Salalila, Cris Garbo, Ricardo Yabut, Rolly Macalino, Nelson Calara, Joel Simpauco, Edna David, Ceferino Laus at Karl Domingo.
Nang binigyan ng recall petition forms ni Henson ang mga ito, sabay-sabay nilang pinirmahan, at take note, 12 beses silang pumirma sa nasabing form.
Matatandaang matagal nang hindi magkasundo ang mga SP members at si Gob Panlilio sa maraming kadahilanan.
Nagkaroon din sila ng ilang pakikipag-usap kay Panlilio ngunit walang nangyari sa mga isinagawang dayalogo sa pagitan nila.
Sa unang pahayag naman ni Gob Panlilio, sinabi nito na ang recall laban sa kanya ay hindi magtatagumpay dahil mayroong "pending recount case" na isinampa ni dating board member Lilia Pineda.
Subalit sinabi ni Henson na ang recall na kanilang inilunsad ay "a people initiative" hindi ito maaapektuhan ng recount case.
Ipinahayag pa ng president ng Kambilan na ang recall petition ay magtatagumpay at marami sa mga kababayan natin ang pabor sa recall move laban kay Panlilio.
Sinabi pa niya ilan na sa mga dating supporter ni butihing gubernador kabilang na sina Lolita Hizon, Rene Romero, at iba pang mga negosyanteng sumuporta sa kanya ay pabor sa recall move.
Tinuligsa din ni Henson ang ginawang press conference ni Panlilio sa Ateneo de Manila. Sinabi niya na hindi na dapat makarating sa Manila ang usapin sa Pampanga dahil wala namang nalalaman ang mga taga Manila sa mga nangyayari dito sa lalawigan.
Noong una ay nagpahayag ang Civil Society na suportado nila ang recall move nguni't nang bandang huli "hati" na sila ngayon. Bakit kaya ano na ang nangyari?
Bukod sa recall move, mayroon pa ring mga miyembro ng Balas ang nagsasagawa ng protesta laban sa administrador ni Panlilio.
Mula noong Agosto 7 hanggang kasalukuyan, patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang isinasagawang protest action laban kay Atty. Vivian Dabu, provincial administrator.
Ang tanong dito sa mga Balas Boys, kayo po ba pabor din sa recall move? Nagtatanong lang po.
Hanggang kailan naman kayo mananatili sa harapan ng Kapitolyo e hanggang ngayon ay wala naman ginagawang aksyon ang butihin gubernador.
Ang biro ng isang police officer sa Inyong Lingkod, mapapaalis lang ng Balas Boys si Dabu kung aalis din umano si Gob.
Tiniyak ng Kambilan na sa loob ng isa at kalahating buwan malilikom nila ang 100,000 signatures at pagkatapos kanilang isusumite sa Commission on Elections (Comelec) provincial office at doon beberipikahin ang mga lagda kung mga butante ito noong 2007.
Ang payo ko sa Kambilan, sana mahigit sa 100,000 signature ang inyong ilikom at kung maaari umabot ito sa 130,000 kasi baka magkaroon ng "question" sa ibang signatures at magka-aberya ang recall move. Ang kasabihan nga mas maganda ang sumusobra kaysa sa kulang.
Iyong pong survey sa recall move sa susunod na kolum na po.
Note:
Iyong po nakaraang isyu ng Kolum ng Dateline, re: tatlong kandidato sa PRO3 director na sina Chief Supts. Angel Sunglao, Nilo dela Cruz at Roberto "Boy" Morales hindi po Morales ang surname kundi Rosales.