Thursday, September 25, 2008 Sapnu: Versoza, PNP chief By Ric Sapnu Dateline: Olivas
SA SABADO na ang turnover ceremony sa pagitan nina Philippine National Police (PNP) Director General Avelino Razon Jr. at incoming PNP chief Deputy Director General Jesus Versoza.
Bago tumungo sa New York si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Linggo, kanyang ipinahayag na si Versoza ang napili nito bilang kapalit ni Razon na magre-retiro nitong Setyembre 27.
Si Versoza ang kasalukuyang No. 3 man sa National Headquarters sa Camp Crame dahil siya ang nakatalagang Director Chief for operations. Siya'y miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class '76.
Sa pagretiro ni Razon inaasahan na magkakaroon din siya ng puwesto sa government katulad din na mga nagsiretirong mga PNP chiefs.
PMA Class '74 si Razon at mistah niya sina si Chief Superintendent Errol Pan, Police Regional Office (PRO)-3 director at Deputy Director General Emmanuel Carta, Director Chief of Administrations.
Kung susundin ang "next line up," dapat sana si Carta ang next PNP chief ngunit dahil siya'y magreretiro na sa darating na Enero, hindi na ito pinili ni Presidente.
Matatandaan na sina Deputy Director General Ismael Rafanan, Chief Directorate Staff, at Director Gerry Barias ang kandadito din para maging Chief PNP. Ang dalawa ay kapwa miyembro ng PMA Class '75.
Sa maraming kadahilanan hindi nila nakuhang pareho ang nasabing pinaka-mimithing posisyon ng isang Police General.
Ang naging rason umano kaya di nakuha ni Rafanan ang nasabing posisyon ay dahil sa sinasabing "Revolving Door Policy."
Sa nasabing Revolving Door Policy, ang isang PNP chief ay dapat mayroong mahigit isang taon bago ito magretiro sa kanyang serbisyo. Si Rafanan ay mayroon na lamang anim na buwan bago ito magretiro.
Sa pagretiro ni Carta sa Enero, ang puwestong iiwan niya ay mabibigay kay Rafanan samantalang ang kanyang mistah na si Barias ay matatalaga bilang Chief Directorial Staff.
Talaga yatang masuwerte ngayon ang mga PMAer Class '76 dahil karamihan sa kanila ay mayroong magagandang puwesto.
Kagaya lamang ni AFP Chief General Yano at Northern Luzon Command (Nolcom) Lieutenant General Isagani Cachuela.
Ang mga Class '75 ay kanilang nalampasan dahil karamihan sa mga ito ay pa-retiro na.
Si Pangulong Arroyo ang magiging guest honor and speaker sa turnover ceremony sa Sabado pagkagaling niya ng Amerika.
Casino sa Balibago Angeles City humihina
Kumokonti na lamang umano ang naglalaro sa Balibago casino dahil sa maraming kadahilanan, ayon sa Intelligence Officer (IO) ng Dateline.
Ayon sa sumbong sa IO, ang mga mayayaman o bigatin na naglalaro sa Balibago casino ay madalang na lamang pumasok sa nasabing pasugalan.
Ang dahilan, ayon sa sumbong, mahina umano ang PR ng branch manager dito sa mga dating parokyano ng Balibago casino.
Bihira mo umano makita si branch manager sa casino at palagi umanong nasa opisina at mayroon itong umano'y ibang inaatupag.
Sang-ayon sa sumbong sa IO, karamihan umano ay "chicks" ang kausap nito na malimit makita ng mga suking naglalaro sa casino.
Hindi umano kagaya ng dating branch manager na iniistipa o inaasikaso ang mga bigatin na manlalaro.
Kaya ang nagyayari tuloy, ayon sa sumbong, kumonti ang naglalaro dito at mukhang nalulugi na ang casino.
Kaya tinatawagan ng pansin ang pamunuan ng Philippine Amusement Gaming and Corporation (Pagcor) dahil nalulugi na umano ito.