ISA SA itinuturing kong matalik na kaibigan ay si Rico Guilas. Hindi ko sukat akalain na nag retiro na pala dahil inabot na niya ang edad na naitakda ng batas sa pagreretiro. Makulay ang buhay ng aking kabigigang ito. Bunso siya ng isang malaking pamilya at iilan buwang sanggol pa lang ng maulila sa ama. Buti na lang may tiyuhin siyang pari na nagpa-aral sa kaniya.

Nakatapos ng engineering sa UST at nakipagtrabaho sandali sa isang Korean firm, subalit hindi nakatagal sa hindi tamang trato ng kumpanya sa mga trabahador nito. Pumasok sa Department of Public Works and Highways at dito naging huwaran sa kasipagan hanggang maging isang direktor ng isang rehiyon.

May naipundar ng ilang kapital at nagloan sa banko at nagtayo ng isang meat processing plant. Nakapagtayo ng mga ilang restaurants na maganda naman ang kita. Sa layo ng kaniyang naging simula na noong nag-aaral ay mamerang kendi lang at iilang basong tubig ang nagiging meryenda, pwede na siyang tanghalin bilang matagumpay na tao.

Sa isang iglap maaring may malaking pagbabago ang mangyari sa buhay ng sino man. Natatandaan ba ninyo ang kasabihan na,'Ang buhay ay parang gulong. Minsan nasa ibaba, at magka-minsan nasa ibabaw'.

Sabi ng matatanda kung magiging ano ka sa buhay, iyan ay nasa guhit ng iyong mga palad. Kaya naman ang mga maraming mga manghuhula ay binabasa ang palad ng taong mahilig magpa-hula.

Marami akong mga nabasang kasaysayan ng mga tao o dili kaya ay kilalang personal na naging maganda ang guhit ng kanilang mga palad.

Umpisahan natin halimbawa kay Ginoong Henry Sy. Dinala ng ama mula sa bansang Tsina at nag-umpisang magtinda ng bakya sa may Carriedo sa Sta. Cruz, Maynila noong dekada '50. Ngayon siya na ang pinakamayaman sa ating Pilipinas.

Mga tsinoy na kamukha nila Lucio Tan na sabi'y naglako ng kung ano ano bago naging isa sa kilalang mayaman dito sa atin. Sila John Gokongwei, Andrew Tan, George Ty at maraming mga multi-milyonaryong mga negosyanteng tsinoy ang nagsimula sa ibaba, at ngayon ay tinitingala.

Isa na rin dito si Lucio Co, na nag-umpisang magtinda ng retaso ng tela sa may Divisoria, at ngayon ay isa ng bilyonaryo. Ang mga Gotianun ay ganoon din. Ang matandang Gotianun ay nag-umpisa sa maliit na hanapbuhay sa Cebu, at ngayon ay nagmamay-ari ng mga subdivision at banko.

Sa mga kakilala ko, isa itong si Dennis Uy ng Angeles na dinala dito ng ama at naging katulong sa Johnny's Grocery. Ni hindi nakakaintindi ng Tagalog o Kapampangan man noong umpisa. Si Dennis ngayon ay isa ng matagumpay na negosyante. Si Ric Tan ng Jenra mall ay naging katulong din sa isang tindahan ng tsinoy sa Angeles.

Si Melchor Caluag ng San Fernando ay walang mag-aakalang ang batang kasama sama at utus utusan ng nasirang Konsehal Mario Garcia ay ngayon ay isa ng matagumpay na negosyante.

Si Manny Velez Pangilinan aka MVP ng Apalit ay nagsimula bilang isang eskribiente sa isang tanggapan bago ito naging negosyanteng nagpapatakbo na katulad ng Meralco, Nlex, Smart, PLDT at marami pang iba.

Ang dating Congressman Oca Rodriguez noong nag-aaral sa Pampanga High School ay humihiwalay sa mga kaklase sa tuwing tanghalian dahil laging tuyo ang ulam ng kaniyang baon at nakainom lang ng soft drinks noong high school na siya dahil may promo sa eskwelahan.

Ang dating Senador Lito Lapid ay naulila sa ama sa edad na dalawang taon. Namasukan ng iba't ibang trabaho. Naging kargador ng kahoy, agwador, taga masa ng pandesal, pahinante ng logging truck, stuntman sa pelikula at iba'iba pang mababa subali't marangal na hanapbuhay para makatulong lamang sa inang labandera.