ANG buhay ay parang sine, at ang mga kasaysayang sa pinilaking tabing ay karamihan hango sa tunay na buhay. Siguro kung isasapelikula ang buhay ni Senadora Leila De Lima tiyak na papatok ito sa manonood.

Bukod sa naging makulay ang buhay niya bilang isang taga-lingkod ng bayan, naging kalihim ng Department of Justice noong panahon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino at nasungkit niya ang panghuling pwesto sa mga tumakbong senador noong nakaraang halalan. Hindi pa man nauupo bilang senadora ay naging tampulan na ng mamahayag at halos walang mga palatuntunan sa telebisyon na hindi siya pinag-uusapan.

Naging tampok ang alitan nilang dalawa ni Pangulong Rodrigo Duterte. Batuhan ng putik ang dalawa. Nasaksihan ng bayan ang mga pulong ng komite sa senado, na hanggang ngayon ay hindi matigil tigil, na kung saan na si senadora ay tumanggap umano ng milyong milyong piso mula sa drug trade sa loob ng maximum security section ng bilibid sa Muntinglupa.

At dito iniugnay siya sa kaniyang drayber na si Ronnie Dayan na inamin naman ng Senadora Leila sa palatuntunan ni Solita Monsod sa telebisyon na isa itong kaniyang mangingibig. 'frailities of a woman'. Ang kahulugan sa wikang Pilipino ay kahinaan ng isang babae. Si Dayan umano, at sa sarili niyang testimonya sa kongreso na taga kolekta siya ng pera para sa kampanya noong halalan para sa senadora. Idiniin ang dalawa sa iba't ibang testimonya ng mga kilalang preso o High Profile Inmates. Hindi nagpa-huli ang mababang kapulungan. Halos kalahati ng mahigit na dalawang daang kongresista ay nakisali sa pagdinig. Ang mga pagdinig ay inaabot ng gabi, at ang mga mamayan ay nakatutok.

Dito sa mga pagdinig sa senado at mababang kapulungan na animo'y isang panggabing teledrama na inamin ng Dayan ng oo nga, nagka relasyon sila ni Senadora Leila. Ika ko nga parang isang pelikula ang naging kasaysayan ng dalawa. May tampuhan, may selosan at may tampalan pa. Panginoon kung buhay ko, sabi nga ni Gerry Baja, parang pelikula ni John Lloyd at Bea Alonzo.

Nagkahiwalay din ng landas ng dalawa. Umuwi si Ronnie sa bayan niya sa Pangasinan at nagtago sa mga maykapangyarihan noong siya'y pinaghahanap. Hanggang sa mahuli pagkatapos ng habulan. Si senadora naman ay ibinaling ang pansin sa trabaho sa senado at pinuntirya ng pinuntirya ng batikos ang Pangulong Duterte.

Nagbunga ang mga pagdinig ng mga komite sa kongreso. Naghain ng reklamo ang gobyerno laban sa senadora at kay Ronnie. At may mandamiento de aresto kay Leila at Ronnie. At dito pansamantalang nagwawakas o naudlot ang kasaysayan ng dalawa. Abangan ang susunod na kabanata…