Sangil: Usapang trapiko pa rin

TALAGA yata ng wala ng makikitang solusyon sa paano maaibsan ang sitwasyon sa trapiko halos sa lahat ng mga malalaking bayan, lungsod at lalo na sa kalakhang Maynila. Noong nakaraang taon pa tinatalalakay, at pag-upong upo pa lang Pangulong Duterte na tinatalakay bilang isyu ang problema sa trapiko. Ang taong bayan, lalo na yaong mga taga Metro Manila at mga naninirahan sa mga lungsod at malalaking bayan ay kiling sa pagsuporta sa pwedeng mabigyan ang pangulo ng isang emergency powers. Isang taon na ngang nakabimbin ang usaping ito sa kongreso. Kaso mo mukhang maisasa tabi na naman ang usapan tungkol sa isyung ito. Maraming sukat talakayin ang kongreso gaya kung ipagpaliban ba o hindi ang barangay elections.

Bibigyan ba ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang napipintong halalan sa darating na Oktubre niton taong kasalukuyan? May panahon pa ba ang mababang kapulungan at ang senado? Kasi imbes na talakayin ang mga importanteng isyu, puro imbestiga ng imbestiga ang kongreso.

Mabalik lang sa isyu ng trapiko. Napakalaking perwisyo sa ekonomiya ang masikip na daloy ng ating mga kakarsadahan, kung hindi minsan ay siyang pinagmumulan ng maraming away. Mga road rage. Kung minsan pa nga nagkakamatayan. Mga nawalang oportunidad sa negosyo o sa trabaho. At ang matindi ay ito ang siyang pinagmumulan ng sakit sa maraming kababayan. Nakaka-stress.

Naalaala ko pa tuloy na noong minsan nagpunta ako ng Camp Crame sa Quezon City at tumuloy sa may Makati. Umalis ako ng 4.30 ng hapon mula Makati at binagtas ko ang Edsa. Mala pagong ang galaw ng mga sasakyan.Awa ng Diyos inabot din akong mga dalawang oras bago nakarating ng Balintawak para kumanan ng NLEX. Usal ko sa sarile, ano kaya kung ako ang dumaranas ng ganito araw araw? Paano na ang mga nakitang kong ilang matatanda na may akay pa ng bata, mga empleyado na nag-aabang ng masasakyan habang nagsusungit ang panahon at nagbabadyang uulan. Yaong iba nagkapalad na makasakay kahit nakatayo lang. Inisip ko lang nasanay na ba sila sa ganoon, na pagkatapos nilang magtrabaho maghapon, aabang ng masasakyan, tatayo hanggang sa kanilang destinasyon at kinabukasan na naman maagang gigising, aabang ng sasakyan, tatayo at bubunuhin ang matinding usad pagong na trapik?

Mga mananakay na sukat sa MRT o LRT sumakay ay kailangan maagang pumila at hindi nakakasiguro kung aabot sa destinasyon, dahil laging aberya ang mga tren. Hindi ba pangako ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na aayusin ang trapiko sa loob ng anim na buwan? Saan na? Aayusin daw ang mga tren. Saan na?

Salamat naman sa Lungsod San Fernando, Angeles at Mabalacat ay manaka naka lang nararanasan natin sa trapiko kung ihahambing sa nararanasan ng motorista at mananakay sa kalakhang Maynila. Pero kailangan maghanap pa rin ng agarang solusyon dahil parami ng parami ang mga sasakyan. Ngayon pa lang pinaghandaan na yan. Kung kailangan palaparan ang mga karsada, paaral sa eksperto ang daloy ng trapiko at higit sa lahat ipatupad ang mga batas at kailangan magkaroon ng disiplina. Hindi kung saan saan na lang hihinto, magbaba at maghihintay ng pasahero. Baguhin na natin yan.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph