Sangil: May mga tanong, Mr. President

"NOBODY is perfect," ika nga sa Inglis. Wala daw perpektong tao, at gayundin ang pwede rin nating sabihin na walang perpektong gobyerno, at siyempre wala ring lantay na pamamahala.

Lahat ng naging pangulo ng bansang Pilipinas ay may maliliit at malalaking bagay na ginawa at hindi ginawa. Pa mula kina Manuel Quezon, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos, mag-inang Corazon at Noynoy. Saklawin narin natin ang gobyerno ni Erap Estrada, Fidel Ramos, Gloria Macapagal Arroyo. Isama na natin ang kasalukuyan kahit hindi pa tapos ang panunungkulan ng Pangulong Duterte.

Yaon lang na hindi inasikaso at walang modernization sa railway system, malaking kapalpakan ng mga nagdaang mga pangulo. Kulang ang espasyo ito, at aking sampung daliri kung babangitin ang mga pagkukulang nila. Oo nga, wala ng sukat sisihan at laging balik tanaw sa mga nakaraang namamahala na katulad ng ginawa ni Tita Cory na wala ng ginawa kung hindi sisihin si Marcos, at kaniyang anak na si Noynoy wala ring ginawa kung hindi hagupitin si Gloria Macapagal Arroyo.

At dito naman sa gobyernong Duterte, mukhang mas malaking panahon ginugugol sa laban sa iligal na droga kesa sa pag-unlad ng ekonomiya at paglaban sa kahirapan. Tama, mayroon itong administrasyon na "Build, build, build" na programa, pero ito lang MRT hindi maisaayos eh mahigit na silang isang taon sa katungkulan. Pagkumpumi lang hindi pa magawa. Ano ba yan?

Tanong lang po. Kasali po ba Mr. President sa build, build, build program ninyo ang infrastructure on communications, kamukha ng ng pagpapabuti ng internet? Mukhang wala ah. Wala akong naririning na pinag-uusapan yan. Ni wala akong naririnig na public hearing sa Kongreso patungkol dito. We are one of the slowest countries in Asia in internet connections.

Isa pang tanong. Sino ba talagang namamahala sa economic programs nino? Sino ba itong mga economic managers ng Duterte administration? Sila pa ba rin ng mga dating nanungkulan sa gobyerno na hawak sa tungki ng ilong ng mga oligarko sa Pilipinas?

Mr. President, mapunto ko lang. Marami pa rin mga kababayan natin ang walang trabaho at yaong mga may trabaho ay hindi sapat ang kanilang kita sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Idilat lang ang inyong mata Mr. President. Halos dalawampung pamilya ang may hawak ng yaman ng bansang Pilipinas, at karamihan sa kanila ay may dutong banyaga. Alam ko na may malasakit kayo sa mga mahihirap, pero paano ninyo sila pagmamalasakitan. Itong Dominguez, Diokno and company na kasali sa economic team ay dati na diyan sa gobyerno, pero tignan ninyo kung saan dinala ang bansa natin.

***

Mukhang dahil sa mahusay na pamumuno ni Clark Development Corporation President Noel Manankil kasalukuyang pangulo ng Clark Freeport makikitang puspusan at mabilis ang patrabaho. Mga dating hindi umaandar na traffic lights ay naiaayos at mga street signs na pinalaki ang letra ay malaking ginhawa sa mga panauhin. Mga sira-sirang gusali na nakakasakit sa paningin ay pinaggiba at mga locators ay pinakiusapang ayusin ang kanilang mga gusali at ang kanilang kapaligiran.

Mga ilang lugar sa Freeport ngayon ang namumukod tangi ang ganda. Ito ang Fontana Leisure Estate at ang Royce, Midori hotel, Sunvalley Golf Club. Sa ngayon inaayos pa ang Mimosa at tiyak itong magandang destinasyon pagtapos na ito. Sa loob ng Fontana kahit wala na yung casino mapapansin mo ang mga nagagandang halaman sa kapaligiran at ang mga villas nito ay inayos ng husto, at nagtayo pa ng isang gusali na pagdadausan ng ministerial meetings ng mga maraming dadalo na manggaling pa sa iba't ibang bansa.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph