ANG priyoridad na kampanya ng bagong upong officer-in-charge ng City of San Fernando Police na si Superintendent Marcelo Dayag ay ang kampanya sa anti-criminality sa lungsod.

Ito ang nangunguna sa programa ni Dayag sa kanyang pag-upo bilang OIC ng lungsod dahil ito raw ang pinakambisang sangkap upang maging peaceful and orderly ang City of San Fernando.

Kanya umanong pag-iibayuhin ang kampanya laban sa kriminalidad upang maging tahimik muli ang lungsod.

Click here for stories and updates on the Sinulog 2010 Festival.

Dahil sa nababalitang pagdami ng robbery at theft sa lungsod, kanya daw itong susugpuin sa pamamagitan ng police visibility sa pamamagitan ng pagpatrolya.

Hindi lamang ang robbery/theft ang kanyang tututukan, ayon sa kanya, maging ang kampanyga laban sa karnapping at illegal drugs ay kanyang pag-iibayuhin.

Mahirap kaagad sugpuin ang illegal drugs sa lungsod nguni’t kanya umanong sisikaping masugpo ito.

Ipapatupad din ni Dayag ang 24-hour pagpapatrolya bilang police visibility sa lungsod at sa pamamagitan nito, magdadalawang isip ang mga masasamang elemento na ituloy ang kanilang binabalak.

Maging sa dalawang mall sa lungsod ay magtatalaga umano si hepe ng ilang pulis sa loob at sa parking lot para ang mga insidente ng snatching sa loob ng mall ay mahinto at ang karnaping naman sa mga parking lot ay maiwasan.

Matatandaan na marami na ring insidente ng snatching at karnaping sa mga mall at nag-aatubili ang mga biktima na ireport ito sa pulisya. Dahil nasa isip nila wala namang mangyayari.

Kaya ang payo ni Dayag, kailangan ng mga biktima na i-report sa pinakamalapit na Community Police Action Center (Compac) o kaya sa kanya mismong tanggapan ang nangyari sa kanila upang magbigyan kaagad ng aksyon.

Sana lahat ng mga programa ninyo hepe ay maayos na ipatupad dahil umaasa ang maraming Fernandino sa inyo na magiging peaceful and orderly ang City of San Fernando.

Abangan po natin ang magagawa ni Dayag sa lungsod.

Pagbalasa sa mga hepe ng Compac

Sa pag-upo kaya ni Dayag ay magkakaroon ba ng pagbalasa sa mga hepe ng Compac?

Ito ang pala-isipan sa mga police officer sa kanyang pag-upo na baka magkaroon ng balasahan sa hanay ng mga hepe ng Community Police Action Center sa lungsod.

Ito ang kadalasan na nangyayari kapag bagong upo ang hepe ng police station, ayon sa police officer na nakausap ng Dateline.

Inaasahan na nila umano ang gagawing pagbalasa ni Dayag nguni’t sana raw ay kanya munang tingnan ang mga nagtatrabaho o may mga accomplishment.

Kung sa panahon ng dating naging hepe ay naging pabaya sa kanyang trabaho ang isang police officer, iyon ang kanyang pag-aralan muna kung dapat pa itong manatili sa kanyang puwesto.

Sino-sino kaya naman kaya ang tatamaan ng pagbalasa kung gagawin nga ito ni Dayag?

Abangan po natin.