MARAMING umaasahang mga police senior superintendent nakatalaga sa Police Regional Office Central Luzon (PRO 3) headquarters na mabibigyan ng “break.”
Ilan ng beses nangyari ang kanilang inaasam na mabigyan ng “break” upang maupo o maitalagang maging provincial o city police director.
Noong una, ilan sa kaibigan ng Dateline na mga senior superintendent ang kasama sa listahan mapipiling maging provincial police director ng Bataan.
Kanya-kanya sila lakad sa provincial governor ng Bataan at iyong iba dito pinangakuhan siya ang pipiliin nito.
Subali’t biglang itinalaga si Senior Superintendent Marcelo Dayag ng PNP National Headquarters ng Camp Crame. Kaya naman low morale ang mga senior police officer naghihintay ng “break” sa Camp Olivas.
Nang ma-relieved si Senior Superintendent Joel Consulta ng Pampanga Police provincial director, ang mga senior superintendent sa Camp Olivas ay nasama din sa maaaring piliin ng Pampanga governor.
Nguni’t hindi nangyari ito, biglang itinalaga na naman ng PNP National Headquarters si Senior Superintendent Nicolas Salvador. Nagulat si Governor Lilia Pineda sa biglaang pag-upo ni Salvador at hindi man lang binigyan karapatan upang mamili sa mga kandidato.
At nitong nakaraang linggo lamang, limang senior superintendent dito sa kampo ang kasama sa listahan maging kapalit ni Senior Superintendent Mateo na kung saan natapos nito ang two year term.
Ang nasabing listahan ng limang maaaring mapili ni Zambales Governor Amor Deloso hindi rin nasunod.
Ito’y matapos biglaan itinatalaga na naman ng PNP National Headquarters si Senior Superintendent Cosme Abrenica.
Nagulat ang mga kandidato sa Zambales police dahil iyong listahan nilang lima ay dated July 12 at ibibigay pa lamang kay gobernador.
Ang siste, July 11 ang “order” ni Abrenica at ang nakasaad doon ay Acting Provincial Director. Hindi man lang itinalaga muna officer-in-charge upang makapapili si Deloso.
Sabi nga ng mga senior superintendent, ano ba ang nangyayari sa PNP at wala ng proseso ang pagkakatalga sa mga provincial at city police director?
Sabi nga nila, ina-appoint na lamang ang gusto nilang maging provincial at city police director.
Naging “policy” na ang pag-appoint sa mga provincial at city police director simula kay dating Chief PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa...
Sa kasalukuyan mukhang sinusunod ni Chief PNP Director General Oscar Albayalde ang pag-appoint. Bakit kaya ganito na ang naging policy ng PNP? Nagtatanong lang po....
Kung hindi ka “bata” ng nakakataas wala ka nang pag-asang o karapatan maupo bilang provincial at city police director? Nagtatanong lang po...
Marami ng mga senior superintendent “low morale” sa bagong policy ng PNP na pag-aappoint ng kanilang mga “bata.”