Espina: My Soma (State of the Media Address)

(Today I will be in Metro Manila to join the United People's Sona and speak on the media situation. Here is the text of my Soma.)

MAMAMAHAYAG ng bayan, isinusulong kalayaan!

Nung Mayo 31, 2016, bago pa man siya naupo bilang ika-16 na pangulo ng Pilipinas, inilahad ni Rodrigo Roa Duterte ang kanyang pagtingin sa mga mamamahayag:

“Kaya namamatay yan, karamihan niyan, sinasabi ko, nabayaran na. They take sides, o sobrahan nila ang atake.”

“Just because you are a journalist, you are not exempted from assassination, if you’re a son of a bitch.”

At ito na nga ang naging batayan ng kanyang pakikitungo, hindi lamang sa mga mamamahayag kungdi sa industriya ng pamamahayag.

Hindi pa nagdadalawang taon mula nang maupo si Duterte, labing-isang mamamahayag na ang napatay, ang pinakamaraming sa unang dalawang taon ng sino mang pangulo.

At itong Biyernes lang, isa na naman ang nalagas, si Joey Llana, radio host ng dwZR sa Legazpi, Albay, and ika-labing dalawa sa ilalim ni Duterte, ikatlong taga-Bicol at ika-185 mula 1986.

Maliban dito, nariyan din ang garapalang pagbabanta at atake ni Duterte, hindi lamang sa indibidwal na mamamahayag kundi sa mga media companies: ang pagpapahinto ng SEC sa Rappler, na agad pinagbawalan ng Palasyo na makakober kay Duterte kahit naka-apela pa ang kaso nila; ang bantang harangin ang pag-renew ng franchise ng ABS-CBN; ang panggigipit sa mga may-ari ng Philippine Daily Inquirer.

May mga nagdaang pangulo na nagnais kontrolin ang media upang tanging pabor sa kanila ang ibabalita. Subali’t si Duterte lang ang nangahas tangkaing busalan ang media. Kaniya ring niluklok sa puwesto ang mga taga-suporta niyang dalubhasa sa paggawa at pagpapakalat ng “fake news" at sa paghihimok sa kanilang mga taga-suporta na kuyugin sa social media ang mga di sang-ayon sa kanila.

Inamin rin naman ni Duterte na siya ay tagahanga ng diktador na si Ferdinand Marcos at mukhang atat na atat nga siyang lagpasan ang idolo niya.

Alam naman natin kung ano ang nangyari nung ipinailalim ni Marcos ang bansa sa batas militar. Agad niyang ipinasara ang media at pinayagan lamang na manatili ang mga pumupuri sa kanya at sa diktadura.

Subali’t ‘di magapi ng diktador ang diwa ng malayang pamamahayag. ‘Di naglaon lumitaw ang “mosquito press” at sumunod ang mga pahayagan tulad ng We Forum, Malaya, Mr and Ms at Inquirer na nilabanan ang mga kasinungalingan at malaki ang papel sa pagpapabagsak sa diktadura.

Ngayon, pilit na isinusulong ni Duterte at mga alipores niya ang pag-amyenda sa Saligang Batas at pati na rin ng Human Security Act o Anti-Terror Law. Kapag nagtagumpay sila, malaking dagok ito hindi lamang sa malayang pamamahayag kungdi sa napakaraming batayang karapatan ng mamamayan. Na para bang di pa sapat ang mahigit na sa 23,000 na namatay at patuloy na pinapatay sa kabaliwan ng giyera kontra droga.

At itong nakaraang mga araw lang meron pang mungkahing kelangan kumuha ng regulating at classifying exam bago ka maging mamamahayag.

Subali’t ano man ang gawin ni Duterte, ang mga aral mula sa kasaysayan natin ay patunay na hindi kailanman kayang busalan ninuman ang malayang pamamahayag sa bansa. Dahil makakaasa tayo na hindi ito papayagan ng mga malayang mamamahayag ng Pilipinas at ng taong bayan.

Ang media, ang bayan, isinusulong kalayaan!

At tayo’y magawawagi.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph