NOONG Lunes, aabot sa 15 na mga bagong Toyota Hi-Lux at 13 Toyota Innova PNP mobile patrol vehicles ang ipinamahagi ni Chief Superintendent Leon Nilo dela Cruz, Police Regional Office-3 (PRO3).

Ang mga bagong mobile patrol vehicles ay bahagi ng mga binili ng PNP National Heaquarters sa Camp Crame at ang mga ito ay ipinamahagi sa lahat ng mga police regional offices sa bansa.

For updates from around the country, follow Sun.Star on Twitter

Sa pamamagitan ni Dela Cruz, umaabot sa 28 na PNP mobile patrol vehicles ang kanyang nakuha mula sa PNP National Headquarters.

At pagkatapos ng Monday Flag raising noong Lunes ipinamahagi ni Chief Supt. Dela Cruz ang mga natanggap nitong mga bagong sasakyan na ginanap sa harapan ng Administrative Building ng Camp Olivas.

Lahat ng mga PNP supply officers mula sa iba’t ibang police provincial at municipal offices sa rehiyon ang tumanggap ng mga bagong patrol vehicle.

Sang-ayon kay Superintendent Baltazar Mamaril, chief ng PRO3 public information office, pinamahagi ni Dela Cruz ang 15 Toyota Hi-Lux pick-up sa Aurora Police Provincial Office, Bataan Police Provincial Office, Abucay Police Station, Bagac Police Station, 305th Bulacan Mobile Group, 309th Nueva Ecija Mobile Group, Jaen Police Station, 310th Pampanga Mobile Group, San Simon Police Station, Bamban Police Station, Zambales Police Provincial Office, Palauig Police Station at Angeles City Mobile Group.

Ang mga nakatanggap ng mga Toyota mobile patrol ay ang mga police station ng Hermosa sa Bataan; Bustos at Guiguinto sa Bulacan; Cabanatuan City, Palayan, Jaen, Licab, Nampicuan, pawang sa Nueva Ecija; Magalang, Mexico, Sta. Ana, at Anao, pawang sa Pampanga at San Marcelino sa Zambales.

Sa short message ni Chief Dela Cruz, sinabihan nito ang mga nakatanggap ng mga bagong sasakyan na sana pangalagaan ang mga ito para naman tumagal ang serbisyo.

“Dapat ingatan ninyo ang mga bagong PNP Mobile Patrol vehicles at siguraduhin ang maintenance ng mga ito,” pahayag ni Dela Cruz sa mga supply officers na tumanggap sa mga behikulo.

Sa mga police officers na nakatanggap ng mga sasakyan, kinakailangan na inspeksyunin ang mga ito kada linggo kung maayos at nasa kundinsyon ang mga ito.

At ang dapat gawin ng mga senior police officers ay kanilang ipatupad ang “accountability” sa mga pulis na gumagamit sa mga bagong mobile patrol vehicles. Sa pamamagitan ng “accountability” tiyak na iingatan ng mga pulis na gagamit ang mga ito dahil sila ang mananagot kung masira o mabangga ang ito. Sa mga pulis naman na gagamit sa mga behikulo, huwag naman gamitin ito ng “bara-bara” para naman tumagal ang mga ito.

Tatlong Toyota Hi-Lux pick-up nabangga

Tatlong bagong Toyota Hi-Lux pick-up na kabilang dapat sa mga ipamamahagi ng PRO3 ang nabangga.

Ang nasabing tatlong Toyota Hi-Lux pick-up ay galing sa Camp Crame at minamaneho ng tatlong pulis habang binabagtas nila ang North Luzon Expressway nang aksidenteng nagkabanggaan ang mga ito.

Isa sa mga tatlong Toyota Hi-Lux pick-up ang grabeng nasira pero hindi naman maluhang nasaktan ang mga tatlong pulis na nagmamaneho nito.

Kasalukuyang pina-iimbestigan ang nasabing banggaan dahil ngayon lang nangyari ang ganitong insidente.