ISANG task force ang binuo upang tumugis at kilalanin ang dalawang gunmen na pumatay kay Kang Ha Yong, isang Korean national.

Sang-ayon kay Senior Superintendent Danilo Bautista, Angeles City police director, ang task force “Kang Ha Yong” ay binubuo ng Criminal Investigation and Detection Field, Crime Laboratory Office at Intelligence & Investigation Division.

For updates from around the country, follow Sun.Star on Twitter

 

Ang task force ay pinamumunuan ni Superintendent Joselio Imperial, chief ng Intelligence and Investigation Division ng Angeles Police, ayon kay Bautista.

Sa panayam kay Imperial, sinabi nito sa Dateline na mayroon na silang cartographic sketch sa isang gunman at kasalukuyan nilang ipinakalat sa lahat ng mga police station. Inaasahan umano ni Imperial na sa madaling panahon ay kanilang makikilala ang bumaril kay Kang Ha Yong.

Ang Koreano ay binaril ng isa sa mga suspek sa harapan ng bahay nito sa Arirang Villas, Riverside Subdivision, Angeles City, noong Enero 28.

Kasalukuyang nag-uusap sina Kang Ha Yong at Abner Baluyut, isang traffic enforcer ng Clark Development Corp. (CDC), nang biglang huminto ang isang motorsiklo sa kanilang harapan.  Bumaba ang backrider at binaril ang biktima.

Sa takot na barilin din ng mga suspek ay tumakbo si Baluyut papalayo upang magtago. Daglian namang tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.

Kaagad na dinala ang biktima sa Angeles University Foundation Medical Center nguni’t dineklara itong dead on arrival ng mga doktor sanhi ng natamo nitong gunshot wound sa dibdib mula sa kalibre .45 pistola.

Dalawang basyo at isang deformed slug ng kalibre .45 ang narekober ng pulis sa pinangyarihan ng krimen.

Dalawang angulo sa pagpatay ang iniimbestigahan ng task force, ayon kay Imperial. Ang una nilang tinutumbok na motibo ng mga salarin ay ukol sa “business squabble” dahil si Kang Ho Yong ay “partner” sa isang land corporation na kinabibilangan ng mga Koreano at Pilipino.

Maaring ang pakay o target ng mga suspek ay upang makuha ang “share holder” ng biktima at mapunta sa ibig pumatay sa Koreano, pahayag ni Imperial sa Dateline.

Ang pangalawang anggulo na tinitingnan ng task force ay “love triangle” na kung saan maaaring mayroon umanong boyfriend na Pilipino ang asawa ng Koreano.

“We are still digging deeper kung ano talaga ang motibo sa pagpatay sa Koreano,” ayon pa kay Imperial.

Kapag nakilala at naaresto ang mga killer, amin naman tatargetin kung sino ang mastermind sa pagpaslang, dagdag pa ni Imperial.

Sinabi ni Imperial na sa madaling panahon ay kanilang mareresolba ang nasabing shooting incident.

Sana nga maresolba ninyo kaagad ito.