Sangil: Mga botante, animo’y grocery items

TATLONG taon na ang nakakaraan, itinanong ko na ito. Ano ba ang mayroon sa politika na may mga magkatunggali na ubusan ng pera para lang magtapumpay sa inaasam niyang katungkulan? Minsan, naiisip siguro ng marami nating kababayan na ano ba ang mayroon sa panunungkulan at bakit hindi maiwan-iwanan ang katungkulan at binabalikbalikan. Hanggang sa magkakamot na lang ng ulo dahil mahirap maarok talaga kung ano ang layunin ng bawat isa sa atin.

Sa pagtatalo ng mga magkakaibigan, lilitaw ang mga argumento kung bakit ang isang kandidato, halimbawa sa pagka-alkalde o congressman, ay tutustusan ang kampanya ng daang milyon piso, eh samantalang ang kaniyang sweldo ay kakarampot lang kung ihahambing sa nagastos noong kampanya. Ang karamihang konklusyon ng pagtatalo ay ang kandidatong gumastos ng limpak-limpak ay babawi at magnanakaw sa kaban ng bayan pag nahalal.

May ganoon, pero hindi po pwedeng lahatin ang mga kandidato. Mayroon na nasa dugo na lang at sa puso ang paglilingkod sa bayan. Mayroon naman, parang negosyo ang tingin nila sa pulitika.

Baka sa umpisa pa lang, bawi na si kandidato. Maraming kaibigan, kamaganakan at taga-suporta. Mga taga-suportang may interes na pinoproteksiyonan. Heto iyong pinanggagalingan ng mga kontribusyon. Hindi po lahat ng gastos ay galing sa bulsa ng kandidato, lalo na maganda ang resulta ng survey para sa kaniya. At kokonti rin naman ang gastos ng isang kandidato kung ito'y kilala na at napupusuan siya ng bayan.

Hindi sukat magastos ang halalan. Kung mga tarpolina lang at ilang mga flyers na pinamimigay sa mga botante ay hindi masyadong mabigat sa bulsa ni kandidato. Ang mabigat sa bulsa ay iyong mga ilang botanteng sinasamantala ang pagkakataon, na hingi na hingi ng kung ano-ano. Pasayaw, bomba ng tubig, palaro sa basketbol, nasirang bakod, abuloy sa pinagagawang bisitas at kung ano-ano pa. Ang kawawang kandidato ay hindi pwedeng tumanggi. Iyan naman ay totoo lang sa mga ilang lugar, at hindi naman sa lahat.

At nitong eleksiyon 2019, palagay ko matatala ito sa isa sa mga pinakamagastos na halalang naganap. Buy and sell nga kung inilarawan ito sa isa kong artikulo. Animo mga grocery items ang mga botante. May mga presyo. May SRP (suggested retail price) pa nga. Marami sa mga kababayang botante, parang nawala na ang kahihiyan, bukod sa nawala na talaga ang prinsipyo at ipinagmamalaki pa na ang buong pamilya ay kabilaan silang tumatanggap sa mga kandidato.

Mayroon ngang batas, at ito ay ayon sa Commission on Elections, kung magkano lang ang pwedeng gastusin ng isang kandidato bawa’t botante. Mukhang hindi naman nasusunod. At wala namang napaparusahan kahit hayagan na ang pamamalengke ng mga botante ng kandidato. Sa ganitong kalagayan, uunlad pa ba ang bansa natin? Mga taong kwalipikado, may magandang hangarin sa bayan subali’t kulang sa pananalapi, paano na? Hindi na pwede ngayon yaong mga magagandang hangarin para sa bayan. Money talks na. No money, no votes. Wala ng tsamba ngayon na kamukha ng dati. Noon yun. Noong may pagpapahalaga pa ang tao sa kaniyang dignidad. Nilipad na ngayon ng hangin yan.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph