Sangil: Alaala ng mga paskong nagdaan: 'Pasko na pasko na, nananu ko pa?'

RAMDAM niyo ba ang simoy ng hanging Pasko? Parang hindi. Ano po? Medyo, yung umagang-umaga.

Mag-motorsikulo ka sa madaling araw at sasapulin ang pisngi mo ng malamig na hangin. Pero kung ang hanap mo ay iyong lamig Baguio, ika nga mukhang wala na yun.

Itong sinasabing hanging amihan, na nangagaling ba sa bansang China na nababalutan ng niyebe at umaabot sa atin simula pa lang ng unang araw ng Disyembre, ay hindi na kasing lamig kumpara noong aking kabataan.

Talagang malaki na ang ipinagbago ng ating panahon. Naalaala ko pa noong aking kabataan, dekada singkwenta at sisenta, halos tinatamad kang maghilamos pagka-gising mo dahil animo'y yelo ang lamig ng tubig. Lalo na yaong tubig galing sa banga.

Ang pinaka-magandang alaala na hindi ko pwedeng kalimutan ay pagsisimba naming magkakapatid tuwing sasapit ang simula ng simbang gabi.

Ang simbang gabi noon ay karaniwang nagsisimula sa alas kwatro ng madaling araw, at akay kami ng aking ina, kami ay maglalakad ng halos isang kilometro papauntang simbahan sa may poblasyon at habang naglalakad ay ginaw na ginaw kami sa dampi ng hangin.

Itong taong ng 2019, parang bulang naglaho ang malamig na hangin ng pasko. Kahit sa madaling araw, bahagyang bahagya lang ang lamig, at hindi na ito nanunuot sa kalamnan na katulad ng dati.

Ito pang isang napansin ko. Mga eksenang nakalakihan na kung saan ang mga tao ay nagsisiga habang kinikiskis ang mga palad at animo'y sinisilaban ang kamay.

Sabi ng mga environmentalists, ito raw ang epekto ng climate change dahilan sa pagka sira ng ozone layer, ang naglalambong sa ating planeta para hindi tagus-tagusan ang init ng araw.

Sabi naman ng isang forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na narinig ko sa report niya sa isang palatuntunan sa radyo, 'itong hangin amihan galing ng bansang China ay tumatawid ng dagat, at komo mainit ang karagatan, ang hanging malamig ay sinasamahan ng init.

Ito na siguro ang resulta ng abuso natin sa kalikasan. Walang habas na pagputol ng mga kahoy, pagtapon ng basura kahit saan, walang mahigpit na pagpapatupad sa mga umiiral na batas patungkol sa pollution control.

Heto na naman ako, binabalikan ko ang mga taong nagdaan. Noon kapag ikaw ay bumiyahe patungong Maynila, pamula Angeles tanaw muna mula sa sinasakyan mong bus sa dinadaanan mo, ang mga bukirin sa magkabilang gilid ng karsada.

Ang mga kabahayan ay nakakumpol lang sa mga kabayanan, halimbawa sa San Fernando o kaya Malolos. Subalit ngayon, sa mahigit na 80 kilometrong binabagtas ng Macarthur Highway patungo Manila man o patungong norte, mga subdivision, mga kabahayan at mga pagawaan ang nakapaligid dito.

Salamat sa Bases Conversion Development Authority tayo ay nagkaroon ng Subic-Clark-Tarlac Espressway (SCTEX). Halos 92 kilometers yan simula sa Subic hanggang La Paz, Tarla. At ngayon dinugtungan ng Tarlac-Pangasinan-La Union (TIPLEX) na aabot sa may Rosario, La Union.

Kung nagka-taon kayo po ay nakapag-biyahe na at binagtas na itong mga expressways na ito, tiyak akong sasabihin ninyo sa sarili niyo na napakaganda ng kaniyang kapaligiran.

Sa magkabila ay mga maraming mga puno at bukirin pa. Walang bahay na malapit. Walang mga pagawaan. Walang mga subdivision.

Ito ang aking tanaw sa paligid ng Macarthur Highway mga apatnapung taong nakaraan. Ganoon din kaya ang mangyayari sa paligid ng SCTEX at TIPLEX pagkatapos ng apatnapung taon? Kapag nagka-ganoon, tuluyan ng mawawala ang simoy ng hanging Pasko.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph