Sangil: Langit ang nag-papasiya

KAHIT pandemic, ang hilig ng mga Pinoy sa pulitika hindi nawawala. Ngayon pa lamang, pinag-uusapan na ang 2022 kahit malayo pa ito. Sabi ng iba hindi na kalayuan yan dahil pagpasok ng 2021 mag-uumpisa na ang pagbuo ng mga kasama sa tiket. At ito'y maging sa mga lalawigan at municipalidad. Ito ang mga pangalang nababangit sa panguluhuhan: Bongbong Marcos, Leni Robredo, Sarah Duterte, Manny Pacquiao at Francisco "Isko" Moreno. Guhit ng palad. Iguguhit ng tadhana pagdating sa panguluhan. Ito ang kadalasan mapapakingan sa mga usap-usapan na ang nagiging pangulo ng ating bansa ay nasa kamay na rin ng Panginoong Maykapal. Na siya namang totoo kung ang pagbabatayan ay mga kasaysayan ng mga ilang naging presidente ng ating bansa. Sinong mag-aakala na si Ginang Corazon Cojuangco Aquino isang karaniwang maybahay ay magiging pangulo, subali't naitadhana na siya ang magiging asawa ng Benigno "Ninoy" Aquino. Naging martyr si Ninoy at naging rallying figure si Tita Cory at ibinagsak ang dalawampung taon na panunungkulan ni Marcos.

Maging si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay iginuhit din ng tadhana na maging pangulo. Ito'y isinalaysay sa pelikulang ganoong pamagat, Ginuhit ng Tadhana. Naakusahan bumaril ng kalaban ng pamilya sa pulitika at ito'y naging laman ng mga pahayagan noon. Nakulong siya, at habang nasa karsel nag-review para sa bar examination at naging topnotcher.

Balik tanaw tayo. Natatandaan ninyo ba na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay kumandidato bilang senador? Noon ang ibinoboto ay 24 at unang 12 ay maninilbihan ng 6 na taon at ang susunod na 12 ay 3 taon. Pang 13th ang pwesto niya kaya pagkatapos ng 3 taon nag-reeleksiyon at naging topnotcher. Kung nagkataon na napasama siya sa unang 12, malamang hindi siya napansin ng mamayan. At komo naging topnotcher ibinilang na kaagad na siya'y isang presidentiable.

Ganoon din naman ang naging swerte ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada. Noong kumandidato si Erap sa pagka-senador, ito'y iyong panahon na kahit sino lang ang itaas ng kamay ni Pangulong Cory ay tiyak ang panalo. Nandoon noon ang tinatatawag na "Cory Magic." Subali't nakalusot ang Erap, at napansin siya ng mamayan.

Isipin mo naman na itong kapalaran ni Fidel V. Ramos. Noong panahon siya ang hepe ng Philippine Constabulary ay siyang tinuturing na kalaban ng mga Aquino at ang kasangga nila ay si Ramon Mitra. Kasagsagan ng kapangyarihan ni Ramos noong ikinulong si Ninoy. Pero ng maglaban ang Ramos at Mitra, ang piniling kandidato ni Tita Cory ay ang Ramos. Ang buhay nga naman.

Noong 2010, wala namang kabalak-balak si Noynoy Aquino na tumakbo sa panguluhan, at noong mamatay ang nanay niyang si Tita Cory at nagkaroon ng pakikipagdalamhati ang mamayang Pilipino, umugong ang bulungbulungan na ang simpatiya ay magiging boto para kay Noynoy na anak. Napaatras tuloy si Mar Roxas na siya talaga ang tatakbo.

Natapos ang termino ng Noynoy, at isinalang sa panguluhan at kung pumayag lang si Senadora Grace Poe na katambal niya bilang bise presidente disin sana'y hindi nahati ang boto at malamang ang tandem nila ang nanalo at hindi sila nalusutan ni Mayor Duterte. At isipin mo naman ang Commission on Elections pumayag na magsubstitue siya sa isang nagfile ng certificate of candidacy for mayor eh samantalang panguluhan ang pina-uusapan. Eh kapalaran nga eh.

Ang bottom line, ika nga sa Ingles. Langit ang nagpapasiya.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph