PAMPANGA

Sangil: Mga nagdaang Pasko at ilang gunita

SANA naman maagang dumating ang mga bakuna dito sa atin sa Pilipinas. At tuloy pakiusap sa mga ilang masisiba sa Duterte government na pass muna kayo sa pangungupit. Utang doon,utang dito ang ginawa ng Duterte administration at trillion trillion yan. Para sa mga vaccines yan. Para sa mahihirap na Pilipino yan. Para sa mga frontliners yan. Kayong mandarambong sa gobyernong Duterte busog na kayo, alang alang lang sa darating na kapaskuhan huwag ng dumiskarte ngayon.

***

Pasko na naman. At parating na ang susunod na taong 2021. Hindi natin namamalayan lumipas ang mga taon. Hindi lang napapansin ng tao ang kaniyang pagka-tanda, ay dahil sa nakikita niya araw araw ang hitsura niya sa salamin.

Itong modernong panahon, nitong internet age na kung saan mayroon ng cellphone, may Twitter, Instagram, Facebook, etc. Napakadaling bumiyahe pabalik ng nakaraan. Mag-download ng mga matatandang larawan at bigla mong maisip at ma-usal sa sarile’ parang kung kailan lan’.

***

Bawat tao ay may sariling kasaysayan. "Every man has his own story to tell." At ang aking kasaysayan ay ikukwento ng mga larawan sa facebook. At kung sino man sa atin na may facebook account, nandoon ang kwento ng kaniyang buhay.

Matutuwa ka o malulungkot ka pag tinitignan mo ang iyong mga kuhang larawan ng nagdaang panahon. Nandoon ang hitsura mo noong ikaw ay malikot na sanggol na siguro kuha pa ng letratista may talukbong sa ulo at pumuputok pa ang yaong flash bulb.Mapapangiti ka pag minamasdan mo ang larawan ng ikaw ay teen-ager at kasama ang mga kalaro at nagtatampisaw sa ilog dahil iyon ay Linggo at may piknikan.

Malulungkot,baka mamalisbis ang luha mo sa magkabilang pisngi, dahil sa isang family re-union nagkaroon ng group picture na nandoon ang iyong magulang at mga kapatid. At mga larawan kuha pa ng mga nagdaang pasko.At iyong magulang ay nasa langit na, may iba ka pang mahal sa buhay pumanaw na. Mga kaibigan na wala ng pagkakataon na makikita mo pa. Larawang magbibigay ng saya at lungkot. Pero talagang ganoon ang buhay. Laging hati. Yin and Yang, ika ng mga pilosopong intsik. Kung may araw, may gabi. Kung may kabiguan may tagumpay. Hindi pwedeng puro gabi at walang araw, hindi pwedeng laging panalo at hindi rin pwedeng palagi na lang bigo. Ang mahalaga harapin ang buhay ng puspos na pananalig sa Diyos at sa sarili.

Sabi ng mga aetas sa bayan ng Porac, "ing bulung,ustung menabu ya king gabun ala neng upayang magbalik pa." Ang dahon daw ng isang halaman pag nahulog sa lupa ay wala ng pagkakataon pang mabalik sa puno.

Noong ang tao ay isilang, isang direksyon lang ang kaniyang patutunguhan. Ito ang pakikipag-tipan niya sa kaniyang lumikha. Ito ang wakas ng kaniyang paglalakbay sa daigdig na ito.Hindi man sukat katakutan ang wakas ng kaniyang buhay. "The greatest gift God has given to mankind is death."

Kamatayan ang pinamahalagang regalo ng Panginoong Diyos sa atin. Ang malagim na katotohanan hindi na natin maibalik ang kamay ng orasan ng buhay, at pwede lang balikan sa pamamagitan sa pagtingin sa mga lumang larawan. Mga larawang sumasalamin sa naging takbo ng buhay mo. Sana walang pagsisisi. Mga sukat na ginawa ay ginawa. Naging mapagkapuwa tao. Hindi ka nang-agrabyado. Hindi inumit ang pera na para sa mahihirap.


VIEW COMMENTS
DISCLAIMER:

SunStar website welcomes friendly debate, but comments posted on this site do not necessarily reflect the views of the SunStar management and its affiliates. SunStar reserves the right to delete, reproduce or modify comments posted here without notice. Posts that are inappropriate will automatically be deleted.


Forum rules:

Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!

sunstar.com.ph