ISANG araw na lang noche buena na. May ihahanda ba tayo? 'Yung tipong nakagawian nating lahat? Mukhang malaki ang pagkakaiba ng paskong ito kung ikukumpara natin sa mga nakaraang pasko. Okey lang 'yan!

Dati unang linggo pa lang ng Disyembre nakatayo na ang Christmas tree. Punong-puno na siya ng mga iba't-ibang hugis, kulay at laki ng regalo. May iba pa nga na napakalaki at napakaganda ng mga nagsasayawang ilaw na kumukumpas pa sa matining na musikang pang-karoling. Ngayon, mukhang kumonti ang ilaw, lumiit ang Christmas tree at humina ang tunog ng mga kanta. Okey lang 'yan!

Darating pa kaya ang mga kamag-anak, kaibigan at barkada sa salu-salo? Sa iba, naging tradisyon na ang pagtitipon ng tropa't pamilya sa hatinggabi upang salubungin at ipagdiwang ang birthday ni Hesus. Mukhang walang makakapunta ngayon. Okey lang 'yan!

Iba. Magiging iba na siya. Eto ba ang tinatawag nilang bagong normal?

Maninibago tayo. Maiilang tayo. May matutuwa, may malulungkot - dala na rin siguro ng paghanap sa dati. Pero okey lang iyan!

Ano pa ba ang masasabi natin sa taong 2020? Napakasakit Kuya E!

Tumahimik ang mundo ngunit tayo ay halos nabingi sa kanyang katahimikan. Tumigil ang orasan ngunit tila naghilom ang kalikasan. Malayo nga tayo sa isa't-isa ngunit naging mas malapit tayo bilang isang pamilya. Maraming aral, maraming paalala.

Sa darating na pasko, dasal ko na sana tayo ay maayos ang karamdaman, kapiling ang pamilya at makuntento sa kung ano ang mayroon tayo. Sabi nga ni Ka Freddie, "pasko ay damdamin!"

Itong 2020, huwag natin tignan kung ano ang mga gusto nating makuha. Ito ang taon na kailangan mong ipagpasalamat ang kung anong mayroon ka.

Isang mapayapa, maaliwalas at makabuluhang pasko sa ating lahat!

"Pahalagahan mo ang pamilyang meron ka. Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay nariyan sila"

"Hindi importante ang sobrang dami ng pera. Ang importante may masaya ang pamilya"

"Marami ka mang hiniling sa Diyos na hindi nya naibigay, mas marami naman siyang binigay na hindi mo hiniling."