Basag Kotse Gang umatake na naman

MATAGAL-TAGAL na ring walang inirereport na insidente ng Basag Kotse sa Central Luzon.

Halos umabot ng isang taong hindi umaatake ang grupo ng Basag Kotse sa iba't ibang lalawigan sa rehiyon.

Ngunit nitong nakaraang linggo ng Marso, umatake sa lalawigan ng Tarlac ang tinaguriang grupo ng Basag Kotse.

Unang umatake ang Basag Kotse gang sa harapan lang ng Fortune Hongkong Restaurant sa MacArthur Highway, Tarlac City.

Pangalawang insidente ng Basag Kotse ay naganap sa Samyeupsal Restaurant malapit sa Lucinda Campus sa Barangay Maliwalo, Tarlac City.

Ang pangatlo, ang biktima ay nag-jogging lamang at nang ito'y bumalik sa kanyang kotse ay basag na ang kanan bintana nito.

Isang biktima ng Basag Kotse gang ay nagreport sa isang Police Precinct malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Alam ba ninyo, ang sabi ng isang pulis doon sa presinto ay ireport niya ang nangyari sa mismong Tarlac City Police sa Barangay Poblacion ng lungsod.

Biro mo naman nasa presinto na ang biktima ay pinahirapan pa nitong pumunta sa Tarlac City Police upang ireport ang insidente samantalang maaari naman nitong gawin ang Blotter... ganito ba ang mga personnel sa nasabing presinto? Nagtatanong lang po...

Ito pa lamang tatlong insidente ng Basag Kotse ang nakalap ng Dateline dahil ayaw magbigay ng report ang Tarlac Police Provincial Office.

Ni isa ba sa mga naging biktima ng Basag Kotse Gang walang nagreport sa pulis kaya walang maibigay na report sa media? Nagtatanong lang po...

Nangangamba ang mga may-ari ng mga behikulo sa Tarlac dahil naging sunod sunod na ang insidente ng Basag Kotse.

Ang sabi na nila, bakit daw walang ginagawa ang Tarlac Police sa mga sunod sunod na mga insidente ng Basag Kotse.

Abangan ang aksyon ng Tarlac Police sa mga insidente ng Bukas Kotse sa lalawigan ng Tarlac.

At bakit kaya sa lalawigan ng Tarlac umatake ang Basag Kotse Gang?

Matatandaan sa nakalipas ng ilang taon sa lalawigan ng Pampanga, Angeles City, Bulacan at Nueva Ecija ang mga nangyayaring insidente ng Basag Kotse na kung saan naging laganap ito.

Magiging malaganap ba ang operasyon ng Basag Kotse Gang sa Central Luzon? Ano naman ang aksyon ng Police Regional Office-Central Luzon sa mga insidente ng Basag Kotse Gang. Nagtatanong lang po...

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph