Sangil: Mga gunita sa ating pagninilay

MABILIS ang panahon. Mahigit na isang taon buhat ng mag-umpisa ang pandemya. Sa iba bumagal ang mga oras lalo na doon sa naka quarantine. Patapos na halos ang tatlong buwan ng 2021. Hindi natin namamalayan lumipas ang mga araw, linggo,buwan at taon. Sasabihin mo sa sarili mo, parang kailan lang. Kaya siguro hindi napapansin ng tao ang kaniyang sarili na siya'y hindi tumatanda ay dahil sa nakikita niya araw araw ang hitsura niya sa salamin. Nitong modernong panahon, nitong internet age na kung saan mayroon ng celfone, may twitter, facebook, instagram, skype, etc..napakadaling bumiyahe pabalik ng nakaraan. Kung kayo'y bihasa at kayang mag-dowlnload matatandang larawan ay doon ninyo makikita ang pagkaiba sa inyong hitsura. Kapal nga ng buhok ko nga noong araw.. Kulot pa! Ngayon pauubos na at may puting buhok sa magkabilang gilid.

Bawa't tao ay may sariling kasaysayan. “Every man has his own story to tell.” At ang aking kasaysayan ay ikukwento ng mga larawan sa facebook. At kung sino man sa atin na may Facebook account, nandoon ang kwento ng kaniyang buhay.

Matutuwa ka o malulungkot ka pag tinitignan mo ang iyong mga kuhang larawan ng nagdaang panahon. Nandoon ang hitsura mo noong ikaw ay malikot na sanggol na siguro kuha pa ng letratista may talukbong sa ulo at pumuputok pa ang yaong flash bulb. Mapapangiti ka pag minamasdan mo ang larawan ng ikaw ay teen-ager at kasama ang mga kalaro at nagtatampisaw sa ilog dahil iyon ay Linggo at may piknikan. O kaya kasama ka sa excursion sa La Mesa dam o sa Luneta.

Malulungkot, baka mamalisbis ang luha mo sa magkabilang pisngi, dahil sa isang family re-union nagkaroon ng group picture na nandoon ang iyong magulang at mga kapatid. At maaring ang iyong magulang ay nasa langit na, at ilang mahal mong kapatid ay pumanaw na kung kailan lamang at kailanman hindi na ganoon ka-ligaya ang mga family reunions.

Larawang magbibigay ng saya at lungkot. Pero talagang ganoon ang buhay. Laging hati. Yin and Yang, ika ng mga intsik. Kung may araw, may gabi. Kung may kabiguan may tagumpay. Hindi pwedeng puro gabi at walang araw, hindi pwedeng laging panalo at hindi rin pwedeng palagi na lang bigo. Ang mahalaga harapin ang buhay ng puspos na pananalig sa Diyos at sa sarili. Lalo na ngayong panahon ng semana santa. Time for reflection.

Ang tao ng isilang, ay nakatakda na ang direksyon kaniyang patutunguhan. Ito ang pakikipag-tipan niya sa kaniyang lumikha. Ito ang wakas ng kaniyang paglalakbay sa daigdig na ito. Hindi man sukat katakutan ang wakas ng kaniyang buhay. “The greatest gift God has given to mankind is death.” Lagi kong binabangit ito. Kamatayan ang pinamahalagang regalo ng Panginoon Diyos sa atin.

Ang malagim na katotohanan hindi na natin maibalik ang kamay ng orasan ng buhay, at pwede lang balikan sa pamamagitan sa pagtingin sa mga lumang larawan. Mga larawang sumasalamin sa naging takbo ng buhay mo. Sana walang pagsisisi. Mga sukat na ginawa ay ginawa at naging mapagkapuwa tao.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph