MATAGAL na rin hindi nag-ooperate ang tinaguriang Basag-Kotse gang sa Central Luzon.

Dahil sa pandemic, nahinto ang kanilang operasyon dahil halos walang lumalabas na kababayan natin.

Matatandaan bago ang pandemic, maraming mga kababayan natin maging ang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ay tinarget ng mga miyembro ng Basag-Kotse gang.

Hindi na mabilang ang mga PNP personnel ang naging biktima ng Basag-Kotse, karamihan pa naman maging ang kanilang isyung baril ay natatangay ng mga ito.

Nitong nakaraang linggo, tinarget ang isang Toyota Fortuner na nakaparada sa kahabaan ng MacArthur highway sa Barangay Sampaloc, Apalit, Pampanga.

Pinarada ni Mauro Dela Cruz, drayber ng SUV nang dakong 5 p.m. at nang balikan nito ng dakong 7 p.m. laking gulat nitong basag ang kaliwang bintana nito.

Ang sling bag na naglalaman ng isang .45 kaliber pistola at mahahalagang kagamitan ay nawawala at tinangay ng mga kawatan, ayon sa police report.

Napag-alaman sa report ang nasabing baril ay pag-aaari ni Lt. Col. Jaime Camia Jr., miyembro ng Presidential Security Group.

Wala ng takot ang Basag-Kotse Gang members maging ang mga unipormado ay kanilang binibiktima.

Nanawagan naman si Brig. Gen. Matthew Baccay, Police Regional Office-3 (PRO3) director, sa mga owner ng mga sasakyan na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit at iparada ang kanilang behikulo sa maliwanag na lugar.