By Inday Sara Duterte

ASSALAMULAIKUM. Magandang araw sa lahat. Madayaw. Maayong adlaw sa tanan!!!

Unang-una, gusto ko kayong lahat na batiin — at ang lampas 31.5 million na mga Pilipino, pati na ang mga OFWs at mga Pilipino na naninirahan abroad — sa inyong tagumpay at napakalaking panalo sa eleksyon.

Congratulations po sa inyong lahat.

Kayo ang panalo dito. Ako — ako ang inyong kandidato. Ang inyong instrumento. Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito ng aking karera sa politika at pagsisilbi sa taumbayan at sa ating bayan. Dahil sa inyo, nandito ako.

Sa loob ng tatlong buwan naging magkasama tayo sa kampanya online man o sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. Hindi po tayo napigilan ng ulan o ng init. Hindi na rin natin pinansin ang ating mga pagod sa halos araw-araw na byahe.

At sa kabila ng pagod, at hirap, pinalakas natin ang bawat isa para magpatuloy para maabot ang mga kababayan natin na naging parte ng ating tagumpay ngayon.

Ang lampas 31.5 million na boto na nakuha ko bilang kandidato pagka-bise presidente, ang pagkapanalo ko, ang pagkapanalo ninyo sa halanan, ay isang patunay na sa pagtutulungan, sa pagkakaisa, ay magtatagumpay tayo.

Pangalawa, gusto kong magpasalamat sa inyo dahil ako — bilang inyong kandidato — ay talagang hindi ninyo pinabayaan.

Sinuportahan ninyo at nirespeto ang aking desisyon na tumakbo bilang Vice President.

Ngayon, hinihingi ko at inaasahan ko ang inyong patuloy na suporta sa akin bilang inyong Vice President — dahil malaki po ang aking responsibilidad sa mga Pilipino at sa ating mahal na bansa.

Tayo na po ang mauna na lumapit sa mga naka-tunggali natin na supporters ng mga natalong kandidato. Tayo na po ang magpakumbaba dahil tayo ang panalo. Tayo ang Sana all, tayo ang Sara All. We have to be magnanimous because we are only 31.5 million, kailangan natin sila para tayo ay maging isang 100% na bansa.

Noong kampanya sinabi ko na pagkatapos na eleksyon ay kailangan nating kalimutan ang mga kulay na naging palatandaan ng ating pulitika. Ang mga kulay na ito ay naging mukha ng mainit na away ng mga supporters.

At dahil tapos na ang kampanya at eleksyon, panahon na para kalimutan ang mga kulay ng pagkakahiwa-hiwalay. Tapusin na natin ang pamumulitika. Dapat lamang na ang lahat ng mga nahalal sa pwesto ay manguna sa pagsiguro na lahat ng mga Pilipino — supporters man o hindi — ay mabigyan ng tamang serbisyo.

At hinihingi ko rin at inaasahan ang inyong patuloy na suporta sa ating pangulo — President Bongbong Marcos.

Mas higit na kailangan ni Bongbong Marcos ang ating suporta ngayon bilang bagong Pangulo ng Pilipinas — para magawa niya ang kanyang mandato.

Ako — bilang susunod na Secretary ng Department of Education —sisiguraduhin ko na ang ating gobyerno ay tumutugon sa tawag ng panahon.

Nangako ako na isusulong ang mga reporma sa DepEd para makabuo tayo ng mga kabataang Pilipino na pursigido na makamit ang kanilang full potentials as individuals.

Kailangan natin ngayon ang bagong henerasyon na may disiplina at pagmamahal sa bayan — mga batang Pilipino na tutulong sa pamahalaan para sa pagpapanday at pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.

Ang Uniteam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ay patuloy na sasandal sa mga Pilipino na bomoto sa amin noong May 9.

Sasandal kami sa inyo para magawa namin ang aming trabaho — ang aming mga pangako, mga plano, mga pangarap — hindi lamang para sa inyo na nagloklok sa amin sa pwesto kundi sa lahat ng mga Pilipino.

Sa lahat ng parallel groups tutulong tayo sa ating mga kababayan, tuloy-tuloy ang ating trabaho sa June 30.

Kami sa UniTeam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ay hindi bibitaw sa panawagan ng pagkakaisa.

Mahalin natin ang Pilipinas.

Daghang Salamat.