Sangil: Si Ka Blas F. Ople sana tularan ng nanunungkulan

'Senate President, Secretary of Labor, died a pauper while serving as Secretary of Foreign Affairs. How I wish today's senators, congressmen, government people will emulate him.'---Willie Villarama

Kaarawan noong nakaraang biyernes Pebrero 3, ni dating Senador Blas F. Ople. Hindi ko kinakalimutan at kinakaligtaan ihayag kung sino siya para makilala siya ng kasalukuyang henerasyon. Marami sa mga kaibigan at kamaganakan ang hindi nakakalimot na ipagdiwang ang araw na ito kahit matagal na siyang namayapa. Sa ganang akin si Ka Blas,iyan ang katawagan sa kaniya, ay isang dakilang Pilipino. Salamat naman sa panahong ito ay may kapalit na siya sa paglilingkod sa bayan, ang kaniyang anak na si Susan ‘Toots’ Ople na siyang hinirang na kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).

Naging isang karangalan para sa akin na ako'y naituring niya na bilang isang kaibigan bagama't magkalayo ang aming edad. Nagkakilala kami noong 1978 na noon siya ang kalihim ng Kagawaran ng Paggawa (Department of Labor). Madalas ang dalaw niya sa Pampanga, lalo na kung mamahinga siyang Sabado at Linggo sa tahanan niya sa barangay Sta. Monica sa bayan ng Hagonoy.

Madalas niyang yayain ang mga kapuwa ko peryodista na mananghali sa Everybody's at kung nagkataong gabi ang dating ay mag-iinuman sa Cafe Fernandino. Isang mang-iinom si Ka Blas, at ito kasi ang nakaugalian niya ng siya ay isang pang reporter ng Daily Mirror. Mga kagrupo ang mga kapuwa peryodistang inuumaga sa bar ng National Press Club ang mga kasamahang kamukha nila Adrian Cristobal, Ramon Mitra, Jose De Venecia, Nereo Andolong at ilan pang mga sikat na mamahayag noong mga panahong yaon.

Noong kalaunan naging ugali niyang maglagi sa Army and Navy Club sa may Roxas Boulevard at doon ko siya madalas puntahan. Siya ang punagkakautangan ng loob ng Pampanga Press Club kung bakit nabuo muli ang (PPC). Kaming dalawa ng kumpareng Ram Mercado ang nagtatag muli nito noong 1979. Idinaos ang induction ko bilang unang pangulo ng binuong muling samahan sa Army and Navy Club at lahat ng gastusin ay sinagot ni Ka Blas. Naalala ko pa na si Ka Luis Taruc na isang Kapampangan at naging supremo ng Hukbalahap ay isa ring panauhin. Nandoon din si Congressman Teodulo Natividad ng Bulacan. Ito ay isa matalik na kaibigan ni Ka Blas.

Mahirap lang sa pananalapi si Ka Blas, pero lagi siyang handang tumulong sa mga kaibigan lalo na sa mga peryodista. Sa maniwala kayo't hindi si Ka Blas ay namatay na walang pwedeng ipagmalaking yaman. Yaong bahay niya ay naiutang sa GSIS ay tinubos na lang ni Pangulong Joseph Estrada bilang ayuda sa pamilya ng Ka Blas.

Si Ka Blas na naging Labor Secretary sa matagal na panahon, assemblyman, senate president, kalihim ng Department of Foreign Affairs ay puro sa kapakanan ng bayan ang ginawa. Kung yung iba nga diyan na congressman o senador sa isang isang termino lang nababalitaan na natin na naging bilyonaryo. Hindi ganiyan si Ka Blas.

Maligayang kaarawan Ka Blas! Sana tularan Ka ng mga taong gobyerno.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph