SA MGA nakaraan ay may ilang sektor na nagpahayag ng pananaw sa PhilHealth patungkol sa dalawang isyu.

Ang una ay ang pagdududa sa 86 porsiyentong coverage ng PhilHealth gaya ng aming inanunsiyo nitong Pebrero. May nagsasabing hindi ito totoo at mayroon lamang daw 38 porsiyento ang talagang covered ng PhilHealth.

Updates on President Benigno Aquino III's presidency

Ikalawa ay ang diumano’y unused funds na maaari raw gamitin para tuluyan nang mabigyan ng PhilHealth ang LAHAT ng Pilipino.

Nais kong bigyang linaw na walang katotohanan na 38 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang may PhilHealth. Sa aming tala nuong taong 2009, ang inyong PhilHealth ay nakapag-enroll ng higit sa 20 milyong principal members sa iba’t-ibang membership categories gaya ng employed, individually paying, overseas workers, sponsored at lifetime members. Lahat sila ay may kabuuang 60 milyong qualified dependents.

Pagsamahin natin ang mga bilang na ito at malinaw na may 80 milyong Pilipino na ang may PhilHealth. Ibig sabihin, 80 milyong Pilipino mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang may access na sa de-kalidad na serbisyong medikal na dati-rati ay nakakamtan lamang ng mga may kakayahang magbayad ng health insurance.

Kung ihahambing ito sa kabuuang populasyon na 92 milyon na siyang projected population sa taong 2009 ayon sa National Statistical Coordination Board, lumalabas na 86 porsiyento na o halos siyam sa bawat sampung Pilipino na ang may PhilHealth.

Ang hirit ng ilan na 38 porsiyento lamang daw ang aming coverage ay ibinatay nila sa resulta ng 2008 National Health and Demographic Survey o NDHS. Ang NDHS ay sampling lamang ng 13,000 households mula Agosto hanggang Setyembre ng taong 2008 kung saan isa sa mga itinanong ang kaalaman (knowledge) nila sa health insurance.

Sapat na ang mga figures na nabanggit natin sa itaas patungkol sa totoong coverage ng PhilHealth sa buong bansa. Ito ay batay sa aktuwal na administrative records at database natin. Ang isang serbey ay hindi kailanman maaaring ipalit sa aktuwal na tala sa ating membership database.

Patungkol sa unused funds. Kakambal ng kwestiyon sa ating coverage rate ay ang pagkakaroon daw diumano ng unused funds o pondong umaabot sa P100 bilyon na maaari raw gamitin para tuluyan nang bigyan ng PhilHealth ang lahat ng Pilipino.

Muli kong sasabihin na walang unused funds ang PhilHealth. Ang P100 bilyon na sinasabi ng ilang sektor ay tumutukoy sa ating total equity sa pagtatapos ng taong 2009 at kabilang dito ang mga properties at fixed assets ng ahensiya.

Sa halagang ito, P66.9 bilyon ang tinatawag na reserve fund na siyang gagamitin natin para patuloy na tugunan ang ating mga obligasyon sa ating mga miyembro at ospital. Ito ay hindi maaaring gamitin sa ibang bagay tulad ng pagbabayad ng premium contribution ng mga hindi pa miyembro ng PhilHealth. Hindi rin maaaring galawin ang reserve fund para ipambayad sa gastusing medikal na hindi na saklaw ng PhilHealth benefits.

Ang totoo niyan, ang reserve fund na ito ay mababa pa sa maximum na itinatadhana ng Republic Act 7875 as amended, ang batas na lumikha sa PhilHealth.

Updates. Siyanga pala mga Cabalen, ang Rural Bank of Porac ay hindi na tatanggap ng PhilHealth contributions simula Hulyo 1, 2010.

Ngayong Biyernes sa Hataw. Nuong nakaraang taon ay nanguna ang pulmonya sa mga pagkakasakit ng mga miyembro na binayaran ng PhilHealth. Ang pulmonya ay naiiwasan kaya ito ang punto ng ating usapan sa edisyon ng PhilHealth, Hataw sa Serbisyo ngayong Biyernes, Hulyo 9, 2010, 10:00 – 10:30 ng umaga sa dwIZ 882 KHz AM. Kasama ko sina DWIZ News Director Ely Aligora at Marou Pahati-Sarne.