NGAYONG linggo ay ipinagdiriwang ng buong daigdig ang Linggo ng Pagpapasuso o Breastfeeding Week.

Hindi natin maikakaila ang kahalagahan ng gatas ng ina sa kalusugan hindi lamang ng ating mga sanggol kundi hanggang sa paglaki nila bilang mga bata. Kailangan pa bang ulit-ulitin na ang gatas ng ina ang pinakamahusay na pagkain na maaaring ibigay sa mga sanggol? Ito ay sinasabing “best food” na maaaring ibigay sa unang anim na buwan ng sanggol bagama’t hanggang dalawang taon ay maaaring magpasuso.

Updates on President Benigno Aquino III's presidency

Bukod sa ito ay nagbibigay ng sapat na nutrisyon, tumutulong din ang gatas ng ina para magkaroon sila ng sapat na panlaban sa maraming sakit. Ito rin ang nagsisilbing unang bakuna laban sa mga impeksiyon.

Kukulangin ang kolum ko na ito kung ililista natin ang lahat ng kabutihan ng gatas ng ina at ng tamang pagpapasuso sa mga sanggol. Ngunit hayaan ninyong banggitin ko ang mga kabutihan at iba pang benepisyo ng pagpapasuso:

Kung proteksiyon ang pag-uusapan, ang gatas ng ina ay mabisa para maiwasan ang pagtatae (diarrhea), ubo, sipon at iba pang mga sakit. Ang colostrum na makukuha sa unang tatlong araw pagkatapos ng panganganak ang siyang sangkap ng gatas ng ina na nagbibigay resistensiya laban sa anomang impeksiyon.

Walang kinakailangang mahabaang preparasyon para sa gatas ng ina. Napakadali nitong ihanda, madaling ma-digest at dahil malinis at laging akma ang temperatura ay walang hassle na dulot kay mommy at kay baby.

Ito ay laging available at wala pang gastos! Hindi ito maikukumpara sa mga formula na hindi lamang mahal, maaaring ma-out-of-stock at tiyak na may limitasyon pagdating sa sustansiya. Lamang ay dapat na kumain ng masustansiyang pagkain ang mga inang nagpapasuso.

Napakarami nang mga pag-aaral ang nagsasabi na sa pagpapasuso ay napaglalapit ang ina at ang kaniyang sanggol. Ito raw ang siyang tali at koneksiyon na maglalapit sa kanilang damdamin. Ito iyung tinatawag nating bonding.

Kami sa PhilHealth ay nakikiisa sa buong mundo sa pagtataguyod ng breastfeeding. Kung magtutulong-tulong lamang ang lahat, mula sa hanay ng mga ina at ama, sa pamahalaan at pribadong sektor, maiiwasan natin ang pagkamatay ng halos 8.8 milyong mga bata na mababa sa limang taon, matitiyak ang kalusugan hindi lamang ng mga ina kundi ng mga bata na siyang kinabukasan ng ating bansa.

Erratum. Nuong nakaraang Hulyo 21 ay tinalakay ko ang sakit na cholera at kung mako-confine ay narito ang mga benepisyong dapat na makamtan ng miyembro o dependent na qualified mag-avail: Kung Case Type A at na-confine sa isang tertiary hospital – P500/day sa room and board, hanggang P4,200 para sa mga gamot, at hanggang P3,200 sa X-ray at mga laboratoryo. Kung Case Type B o cholera with severe dehydration sa isang tertiary hospital – P500/day sa room and board, hanggang P14,000 sa mga gamot, at hanggang P10,500 sa X-ray at mga laboratoryo.

At para mas lalong maging malinaw, ang cholera ang ating tatalakayin ngayong Biyernes, Agosto 6, 2010 mula 10:00 – 10:30 ng umaga sa ating programang PhilHealth Hataw sa Serbisyo sa DWIZ 882 KHz AM kasama sina DWIZ News Director Ely Aligora at Marou Pahati-Sarne.