BUKAS, Agosto 19, 2010 ay gugunitain ng buong bansa ang National Tuberculosis Day. Ito ay bukod pa sa gagawing pag-aalaala sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon na siyang Ama ng Wikang Pambansa at isa sa mga sikat na taong kinapitan at namatay dahil sa sakit na Tuberculosis o TB.

Ang TB ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng baktiryang TB bacillus. angunahing pinipinsala nito ang ating mga baga (pulmonary TB) bagama’t maaari ring magka-TB ang utak, bato, puso, buto at bituka (extrapulmonary TB).

Updates on President Benigno Aquino III's presidency

Nakakalungkot na ang TB ay isa pa ring malaking problemang pangkalusugan sa bansa. Batay sa mga pagtaya, isa sa bawat tatlong Pilipino ay mayroon nito, at araw-araw ay humigit-kumulang 75 katao ang namamatay dahil dito. Ito ang dahilan ung bakit ang Pilipinas ay kabilang pa rin sa mga bansang may matataas na insidente ng TB.

May magagawa ba tayo para sugpuin ang TB? Ang sagot ay nagdudumilat na Oo! Ang TB ay maiiwasan at kung hindi nakaiwas, ito ay nagagamot sa napakaikli at napakabisang gamutan na tinatawag na directly-observed treatment short course o DOTS.

Una ay ang pag-iwas. Ang TB bacillus ay maaaring malanghap mula sa hangin na kontamindo nito. Iwasang malanghap ang baktirya na nasa hangin dahil sa pag-ubo, pagbahin, pagsigaw o pagdura ng mayroon nito.

Ang pagkakaroon ng maayos na bentilasyon o daloy ng hangin sa ating mga bahay, paaralan, at pagawaan ay makakatulong para maiwasan ito. Ang sariwang hangin ay napakabuti sa ating mga baga at kung kontaminado at mabahong hangin ang lagi nating nasisinghot ay puede tayong maging kandidato sa TB.

Siyempre, ang malakas na resistensiya ang pinakamabisang depensa laban sa TB. Kumain ng balanse at ng masusustansiyang pagkain gaya ng mga gulay at prutas.

Ngayon naman ay ang tamang gamutan. Kapag may ubo na halos dalawang linggo, hindi maipaliwanang na lagnat lalo na sa hapon, pagbaba ng timbang at panghihina, malamang na may TB ang isang tao. Ngunit hindi dapat na mag-alala o magpabaya dahil may mabisang gamutan para rito. Sa pamamagitan ng DOTS ay natututukan ang mga pasyente hanggang sa sila ay tuluyang gumaling sa loob lamang ng anim na buwan.

Sa DOTS ay may nakatalagang treatment partners ang pasyente para siguruhing iinumin nila ang gamot at hindi titigil hangga’t hindi nakukumpleto ang gamutan. Marami kasi ang tumitigil na kapag bumuti na ang pakiramdam at nagbalik na ang tamang timbang. Sa DOTS ay may magbabantay kung tama at angkop na gamot ang iniinom ng pasyente.

Bukod sa nasabing gamutan, sundin ang mga paraan ng pag-iwas sa itaas lalo na ang pagkain ng masustansiya at wasto para gumaling ng tuluyan.

Ang TB ay sagot ng PhilHealth. Kung ang pasyente ay isang PhilHealth member, maaari siyang maka-avail ng subsidy na aabot sa P4000. Ang benepisyong ito ay para sa mga bagong kaso ng pulmonary at extra pulmonary TB sa mga bata at matatanda, o iyung mga pasyenteng hindi pa nagpapagamot o kung ginagamot na ay wala pang isang buwan na umiinom ng anti-TB drugs.

Ang benepisyo ay binubuo ng follow up diagnostic work up (para sa sputum exam lamang), follow up consultation, at anti-TB drugs para sa anim na buwan. At para lalong mailapit sa mga pasyente ang gamutan at ang benepisyong ito, nag-accredit na kami ng 606 TB-DOTS centers sa buong bansa. Mula lamang nuong Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan ay nakapagbayad na ang inyong PhilHealth ng P11.5 milyon sa kabuuang 5,621 TB DOTS claims.

Ngayong Biyernes sa Hataw. Kung ang lamok na may dala ng dengue ay sa umaga lamang nangangagat, alam ba ninyong ang lamok na Malaria naman ang dala-dala ay umaatake lamang mula 6 ng gabi hanggang 6 ng umaga?

Mukhang may rotation ang mga lamok na ito sa pagdadala ng karamdaman sa tao! Alamin natin kung paano tayo makakaiwas sa bangis ng Malaria ngayong Biyernes, Agosto 20, 2010 mula 10:00 – 10:30 ng umaga sa ating programang PhilHealth Hataw sa Serbisyo sa DWIZ 882 KHz AM kasama sina DWIZ News Director Ely Aligora at Marou Pahati-Sarne.